
PAGADIAN CITY (Mindanao Examiner / Mar. 11, 2013) – Pormal ng ipinag-utos ng Department of Justice ang pagsasampa ng kasong syndicated estafa laban kay Pagadian City Mayor Samuel Co na tumatakbo bilang congressman dito.
Ito’y kaugnay sa Aman scam na kinapapalooban ng Malaysian founder nitong si Manuel Amalilio na ngayon ay nasa Sabah. Kasama ni Co sa kinasuhan ay 11 iba pa, kabilang si Amalilio.
Si Amalilio ang itinuturong utak sa likod ng P12-billion Ponzi scheme sa Pagadian City at karamihan sa mga biktima ay nawasak ang kinabukasan dahil sa salaping inilagak sa Aman Futures kapalit ng 50% interests sa loob lamang ng dalawang linggo.
Matatandaang ipinag-utos diumano ni Co ang pamimigay ng mga tseke sa mga investors matapos na lisanin ni Amalilio ang tanggapan nito sa Pagadian City. Natagpuan lamang umano ang tseke sa tanggapan ni Amalilio kung kaya’t ipinamahagi umano ang mga ito.
Ilang beses na rin itinanggi ni Co na may kinalaman ito sa scam at ipinagmatigasan na biktima rin siya ng panloloko ni Amalilio.
Ayon sa DOJ ay isinampa ang kaso base na rin sa reklamo ng ilang mga investors at sa isinagawang imbestigasyon ng special panel nito. Hindi naman mabatid kung ano ang magiging epekto nito sa political career ni Co, na kaalyado naman ni Pangulong Benigno Aquino.
Hindi pa mabatid kung makukuha ng DOJ si Amalilo sa Sabah na kung saan ay nakapiit ito matapos na madakip at masinstensyahan ng dalawang taon dahil sa pagtataglay ng palsipikadong passport.
Unang inilabas ng Mindanao Examiner newspaper ang ekslusibong balita ukol sa Aman Futures nuong Setyembre ng nakaraang taon at ilang isyu pa ang sinundan nito, ngunit nagsilbing bulag at bingi ang mga awtoridad dahil marami diumano sa mga opisyal ng pamahalaan, pulisya at militar ang nakikinabang kay Amalilio.
Ang scam ay isinunod sa pangalan ni Charles Ponzi na naging notoryoso nuong 1920. At nitong 2008 ay ginaya naman ni American stock broker at investment advisor Bernard Lawrence Madoff na nagkamal ng halos $65 milyon mula sa scam. (Mindanao Examiner)