
MANILA (Mindanao Examiner / Sept. 17, 2012) – Isa na namang uri ng harassment sa media ang ipinakita ng pulisya ng Makati City nang arestuhin ng dalawang parak kamakailan ang editor-in-chief ng Journal Group na si Gus Villanueva, ayon sa Alab ng Mamamahayag (ALAM).
Inaresto si Gus at dalawa pang editor sa loob mismo ng kanilang Editorial Office sa kasong libel. Ayon kay ALAM Chairman Jerry Yap ay halatang may “pakimkim” ang dalawang pulis dahil sobra ang pagtrato nila sa mga inarestong editor.
Libel lamang umano ang kaso at hindi ito krimen kaya kataka-takang parang mga kriminal ang trato sa tatlo. Sa naganap na insidenteng pagsisilbi ng warrant of arrest na itinapat pa sa Biyernes ng hapon ay halatado umanong sinadya ito upang hindi na sila makapagbayad ng piyansa at makulong ng tatlong gabi.
Nanawagan naman si Yap kina Interior Sec. Mar Roxas, Philippine National Police chief Nicanor Bartolome at si Department of Justice Sec. Leila de Lima na sulyapan at pa-imbestigahan ang nasabing pag-aresto.
Muling ipinaalala ni Yap sa kapulisan na may existing Memorandum of Agreement ang National Press Club (NPC) at DILG at PNP na kapag libel ang kaso ng isang media man, dapat ay ipagbibigay-alam muna nila ito sa National Press club bago hulihin ang akusado.
“Hindi ba alam ng Makati Police ang tungkol sa Memorandum of Agreement na iyan?” tanong pa ni Yap.
Pinuri naman ni Yap ang Manila Police District at ang Criminal Investigation and Detection Group na patuloy na sumusunod sa nasabing MOA na noon pang 2002 napirmahan ito.
Isa pa umanong kahina-hinala, ay nabanggit pa umano ng dalawang pulis na umaresto kay Gus Villanueva na mahigpit ang utos ni Makati Police Chief Sr. Supt. Jimmy Santos na bantayang mabuti si Gus at dalawa pang editor dahil baka umano makatakas.
Dapat umanong magpaliwanag dito si Southern Police District Director, Chief Supt. Benito Estipona, dahil bukod sa hindi naka-uniporme ang mga humuli kina Gus, nagdahilan pa ang mga ito na may “personal” daw silang “ipakikiusap” na press release kay Gus.
Ngunit nang pinapasok na sila at nakita sina Gus ay agad silang inaresto.
Kinwestyon rin ng ALAM ang “rules of engagement” sa pag-aresto sa mga media men.
Nakarating sa kanilang kaalamang bukod sa nagpanggap nga ang mga pulis, hanggang sa pagsakay sa kotse ay hindi raw binitiwan ng mga ito sina Gus na para bang tatakas ang mga ito.
Ipinabatid din ni ALAM President Atty. Toto Causing kay Makati Mayor Junjun Binay na kinikilan pa ng mga pulis si Villanueva. Bukod umano sa piyansa at court fee, may bayad rin ang mugshot, photocopy, paglalakad ng piyansa, at marami pang iba.
Umabot umano sa mahigit P39,000 ang binayaran ni Gus kaya ang sabi umano ng ilang pulis ay buuin na niyang P40,000 para walang sukli. Sa kabila ng inabot, nakabalik sa Journal ang tatlo dinakip.
Nakikipag-alyansa na ngayon ang ALAM kay National Press Club President Benny Antiporda upang busisiin at kwestyunin ang kaso ni Villanueva.
Nais malaman nina Antiporda at Yap kung bakit ang lalakas ng loob ng mga pulis na i-harrass ang isang NPC lifetime member at respetadong miyembro ng media na tulad ni Villanueva.
Gusto umano nilang malaman kung may kinalaman dito ang ilang opisyal ng NCRPO at SPD na umano’y nasagasaan ni Gus sa kanyang paghahatid ng balita.
Hindi ito ang unang kaso ng harassment na isinagawa ng PNP sa Journal Group.
Ipinakukwestyon din nila kay De Lima ang Makati prosecutor na humawak sa kasong libelo ni Villanueva.
Nais din umanong magreklamo ni Manila Police District Director Alex Gutierrez dahil hindi rin sila naimpormahan o koordinasyon sa nasabing pag-aresto.
Ikinatuwa naman ng ALAM at NPC ang naging reaksyon ni Manila Mayor Alfredo Lim sa nasabing insidente. Ipinagutos ni Mayor Lim na igalang ang MOA bago arestuhin ang isang media man sa Maynila.
Ang media ay nabibilang sa Fourth Estate kaya dapat itong respetuhin ng kapulisan, dagdag pa ni Lim. (Nanet Villafavia)