
ZAMBOANGA CITY (Mindanao Examiner / Dec. 9, 2012) – Hindi na ikinagulat ng ilan ang pagkakatalo kahapon ni Manny Pacquiao dahil inaasahan na umano nila ang bagsik ng paghihiganti ni Mexican pride Juan Manuel Marquez sa pagkatalo nito sa huling laban nila.
Ngunit marami pa rin ang sumuporta kay Pacquiao at katunayan ay naiyak ang mga fans ng Pinoy boxing champ ng ito’y bumagsak sa 3rd round at lalo na sa huling minuto ng kanilang sagupaan.
“Napasigaw nga ako at nanindig ang aking mga balahibo ng Makita ko na bumagsak si Manny sa last round at Akala ko nga ay patay na. Dapat ng mag retire si Manny at mag-concetrate na lamang siya sa kanyang political career,” wika ni Jeng Fernandez, isang masugid na fan ni Pacquiao sa Zamboanga City.
Maging mga tricycle driver na nakapanood sa laban ay halos hindi makapaniwala sa naganap sa kanilang idol. Ang iba naman ay nanlumo sa pagkatalo ni Pacquiao.
“Parang ayaw ko na munang bumiyahe at pahinga na lang muna at parang hindi ko tanggap na natalo si Manny. Kawawa naman si Manny,” ani Jose Perez.
Sa lugar naman ni Pacquiao sa General Santos City ay halos mawasak ang mundo ng ina nitong si Mommy Dionisia at ayon sa mga ilang malapit sa kanya ay hinimatay umano ang matanda ng mabalitaanang napabagsak at natalo ang anak sa labanan.
Hindi pinanonood ni Mommy Dionisia ang mga laban ng anak at sa halip ay pagdarasal ang ginagawa nito at madalas ay kinakausap ang mga rebultong santo sa kanyang prayer room.
Humagulgol naman ang maraming mga taga-General Santos City na nanood sa gymnasium ng lokal na pamahalaan sa sinapit ni Pacquiao sa mga kamay ni Marquez.
Sinisi naman ng iba ang pagiging panatiko ni Pacquiao sa bibliya dahil lahat ay iniaasa na lamang umano sa Panginoon. Ang mga iba naman ay sinabi na malaking ang naging epekto ng edad ni Pacquiao sa kanyang pagkatalo at nalalaos na umano. (Mindanao Examiner)