
ukol sa ika-45 anibersaryo ng Jabidah Massacre.
Ika-28 ng Marso 1968, nang magtalumpati sa Senado ang aking ama ukol sa pangyayaring kinikilala ng kasaysayan bilang Jabidah Massacre. Isiniwalat niya ang plano ng rehimeng Marcos na mapasakamay ang Sabah; tinawag itong Operation: Merdeka.
Alalahanin po natin: Noong mga panahong iyon, bagong-silang na bansa pa lamang ang Pederasyon ng Malaysia, at masalimuot pa ang kanilang situwasyon—habang ang ekonomiya naman natin ay isa sa mga pinakamalalakas sa rehiyon, at ang militar natin ay sanay na sa bakbakan, sa loob o labas man ng bansa. Noon, hanggang ngayon, nakasaad sa ating Saligang Batas: “Itinatakwil ng Pilipinas ang digmaan bilang kasangkapan ng patakarang pambansa.”
Ayon sa isa sa mga nakatakas na si Jibin Arula, na nakapanayam ng aking ama, ang buod ng operasyon ay ang sumusunod: Mula sa mga probinsya ng Sulu at Tawi-tawi, kukuha ang militar ng mga mandirigmang Moro. Dadalhin sila sa Corregidor, at isasailalim sa pagsasanay upang maging mga commando. Ipapadala sila sa Sabah. Doon, gagawa sila ng gulo, at magsisimula ng destabilisasyon—hindi bilang mga sundalo ng Pilipinas, kundi habang nakapostura bilang mga kawal ng Sultan ng Sulu. Sa gitna ng gulo, gagawa ng paraan ang rehimeng Marcos para maangkin ng Pilipinas ang Sabah.
Hindi po nagtagumpay ang plano. Ayon pa rin po sa panayam ng aking ama sa saksing si Arula, naging malabis sa training ng mga Moro; hindi sila binayaran ng ipinangakong sahod; at hindi nila masikmurang maaaring kailangan nilang pumaslang ng kalahi para lamang magtagumpay ang misyon. Hindi matanggap ng mga pasimuno ng operasyon ang hinaing ng mga kasapi ng Jabidah unit. Kaya noong ika-18 ng Marso 1968, pinaslang diumano ang mga kabataang Muslim na kasapi nito.
Sa susunod na araw rin matapos ang talumpati ng aking ama, isiniwalat naman ni Senador Ambrosio Padilla, na noon ay kapartido mismo ni Ginoong Marcos, ang isa pang balitang may kinalaman sa Sabah. Ayon sa kanya, kinuha ng Sultan ng Sulu si Ginoong Marcos bilang pribadong abugado. Ano po ang ibig sabihin nito? Si Ginoong Marcos ang kakatawan sa Sultanato, siya ang makikipagnegosasyon, siya ang haharap sa mga korte, may personal siyang pakinabang sakaling magtagumpay ang layunin ng operasyong Merdeka at maibalik sa kamay ng Sultanato ang pagmamay-ari ng Sabah.
Tugon naman po ng kampo ni Ginoong Marcos, kinuha siya hindi bilang pribadong indibidwal, kundi bilang Pangulo ng Pilipinas—isang kilos na, ayon din mismo sa isa pang kapartido niyang si Arturo Tolentino, ay ilegal—dahil paano nga ba naman pagsisilbihan ng isang Pangulo ang buong Pilipinas, kung nasa isip rin niya ang interes ng kanyang mga kliyente?
Saan man pong anggulo sipatin ang papel ni Ginoong Marcos bilang abugado ng Sultanato, malinaw na may maling nangyari, lalo na kung itatabi sa mga madilim na layunin ng operasyong Merdeka. Sabi nga po ng kolumnistang si Doroy Valencia noong ika-2 ng Abril 1968:
“If it were a private deal, it would be legal but certainly immoral. If it were a public instrument of delegation of authority to the President as President, it would be illegal too because the President may not act as attorney-in-fact for a private party.”
Hindi po natin maikakaila ang malalim na sugat na idinulot ng trahedya ng Jabidah sa mga kapatid nating Moro. Ang naging hinaing nila: Kung kinakasangkapan lamang sila ng makapangyarihan, ano pa ang dahilan para kilalanin ang sarili bilang Pilipino?
Nagsilbi po itong mitsa sa mga damdaming mapag-aklas, na pinagbaga na rin ng diumano’y mga insidente ng land-grabbing na laganap noong mga panahong iyon. Naisip patitulohan ng iilang mga bagong-dating na Kristiyano ang mga lupaing ilang siglo nang sinasaka ng mga Lumad at Moro. Dahil sa insidenteng Jabidah, tuluyan na ngang nawala ang kanilang tiwala sa pambansang pamahaalan; nagsimula silang pumalag, kaya’t pinadala ang Konstabularyo, na kinalaunan ay pinalitan ng Sandatahang Lakas.
Nanganak ng dahas ang dahas; ang mali, nagbunga ng mas malalaki pang mali. Kung nagpanday lamang sana sila ng mga batas na kumikilala sa mga katutubo noon; kung ang mga unang hinanakit ay sinagot sana ng malasakit, sa halip na sinalubong ng armas—ilan po kaya sa tinatayang isandaan at dalawampung libong Pilipinong nasawi sa apatnapung-taon na hidwaan ang siguro’y kapiling pa ng kanilang pamilya ngayon? Ilan kaya sa tinatayang dalawang milyong napilitang lumikas sa kaguluhan, ang nagkaroon sana ng produktibong buhay, at nakaambag sa pag-angat ng rehiyon o ng buong bansa?
Hanggang ngayon, alam nating may mga nagtatangka pa ring gamitin ang mga karaniwang Moro upang magtulak ng sari-sariling agenda. Hindi po ba’t nakikita natin sa mga pangyayari nitong huling mga linggo: tila umuulit yata ang masakit na kasaysayan? May nagsusubo pa rin sa kanila sa panganib, ipinapain ang kanilang kaligtasan, habang ang mga pasimuno naman ay kumportableng nanonood mula sa malayo.
Sa halip na sabihin sa kanilang, “Umuwi na kayo, mahalaga ang buhay ninyo,” sige pa rin ang pag-uudyok, sige pa rin ang panggagatong, na tila ba mga piyesa lamang silang pineperdigana para sa kung-anong nakakubling layunin. Ang masasabi ko po: Kung para sa iba ay barya lamang ang buhay ng mga mga Moro, na ating mga kapwa Pilipino—barya lamang na puwedeng isangkalan para sa pansariling interes—para sa akin, mali ang pananaw na ito.
Trahedya po ang nangyayari ngayon sa Lahad Datu, gaya ng trahedya na nangyari sa Jabidah. Ngunit marahil ang pinakamalaki pong trahedya ay tila yata hindi pa tayo natututo sa mga aral ng nakaraan—na ang pagsunod sa batas, at ang pagrespeto sa mga patakaran, ang tanging makatarungang tugon sa mga hamong kinakaharap natin. Kaya nga po simula pa lamang ay gusto na nating pauwiin ang mga tumungo sa Lahad Datu—dahil alam nating mas produktibo ang mahinahong usapan, at walang mabuting maibubunga ang dahas. Bagkus, manganganak lamang ito ng hidwaan, at marahil ay lilikha ng mga problemang bibilang na naman ng henerasyon bago masolusyonan.
Nililinaw pa po natin ang tunay na bilang ng mga nasawi sa insidente sa Lahad Datu. Pero ngayon pa lang po, alam na nating hindi lang sila at ang kanilang mga nagluluksang pamilya ang apektado rito. Nariyan din po ang tinatayang walondaang libong Pilipinong namumuhay nang tahimik sa kabuuoang Malaysia, na kung biglang magdagsaan pauwi, ay hindi natin maaaring pabayaan, at tiyak na makakaapekto sa atin pong kabuhayan at ekonomiya. Tantsahin po natin: Sa mabilisang komputasyon, kung ilalagay sa limang katao kada pamilya, papalo ng isandaan at animnapung libong pamilya ang mga kababayan nating ito. Sa pagkain pa lang po, kung 250 pesos ang kakailanganin kada tatlong araw ng bawat pamilya—katumbas ng 4.87 billion pesos sa isang taon para sa kanilang lahat.
Ang pabahay naman para sa kanila, sa mabilisan ding komputasyon, ay aabutin ng 32 bilyong piso—at iyan po ay hindi pa kasama ang lupa. Pagkain at tirahan pa lamang po iyan; wala pa sa bilang ang pagtuturo sa kanila ng angkop na kakayahan, ang paghahanap ng lupang sasakahin kunsakali, ang mga dagdag na silid-aralan para sa mga bata, ang pag-enrol sa PhilHealth, at iba pang mga serbisyong kailangan upang makapamuhay sila nang may dignidad.
Aling programa po kaya ang kailangan munang ipagpaliban upang mapunan ang mga ito? Ano kaya ang maitutugon natin sa iba pang Pilipinong kailangan din ng kalinga ng estado? Maaari po ba silang bulungan ng, “Pasensya na muna kayo, maaantala ang pag-unlad ng buhay ninyo?”
Hindi po ba’t puwede naman sanang maiwasan ang situwasyong ito, kung pumasok lamang tayo sa tamang proseso? Anuman pong pilit nating magsimpatiya, hindi po maiwasang manghinayang, malungkot, at masubok ang ating pasensya—dahil gaya ng nangyari sa Jabidah unit, may mga taong inuna ang sarili, kaysa ang kapakanan ng ating mga kapwa Pilipino.
Apat at kalahating dekada na po ang lumipas mula nang naganap ang madugong pangyayari dito sa Corregidor. Inapi na nga po ang mga kasapi ng Jabidah unit, pilit pang pinalilimot sa tadhana ang kanilang pinagdaanan. Hanggang ngayon, walang pa rin itong opisyal na pagkilala mula sa pamahalaan, parang tsismis lamang kung isingit sa mga aklat at ituro sa paaralan, wala pa ring hakbang upang itala ito sa kasaysayan bilang sugat sa ating nakaraan.
Hindi naman po natin nais mag-ilusyon: Dalawang henerasyon na ang lumipas mula nang mangyari ito. Ang prescriptive period para sa murder, dalawampung taon lamang; paglipas nito, hindi na maaaring sampahan ng kaso ang mga diumano’y may pakana ng operasyon. Pinawalang-sala na rin po ng court martial ang mga nasakdal noong 1971. Ngunit hindi dapat maging balakid ang panahong nagdaan sa ating paghahanap ng tunay at ganap na katarungan. Ang sa akin lang po: Paano hihilumin ang isang sugat na hindi mo man lang makuhang titigan? Paano itatama ang mali, kung hindi man lang natin kayang harapin ang katotohanan?
Kaya nga po: Ngayong araw, binubuksan natin ang mata ng sambayanan ukol sa Jabidah Massacre. Totoo pong nangyari ito. At tungkulin nating lahat na kilalanin ito bilang bahagi ng ating pambansang naratibo. [Applause] Narito tayo ngayon sa Corregidor, sa islang diniligan ng dugo ng maraming Pilipino at naging kanlungan ng tinig ng kalayaan noong huling digmaang pandaigdig, upang iukit sa ating kolektibong kamalayan ang malagim na nangyari sa Jabidah unit—at siguruhing hindi na ito mauulit pa. Dahil kung habambuhay na nakapiring ang mata ng mga Pilipino sa nangyari sa Corregidor noong Marso 18, 1968, para na rin nating binalewala ang mga aral nito.
Karugtong po ng insidente sa Jabidah ang masalimuot na usapin ukol sa pagmamay-ari ng Sabah. Magsisimula po ang pagresolba nito hindi sa mga ispekulasyon, opinyon, o haka-haka, kundi sa pagtukoy ng di-maikakailang mga katotohanan. Ang tungkulin ko po: Halughugin ang kasaysayan para sa mga katotohanang ito, at mula roon ay maglatag ng direksyon na tatahakin ng ating bansa ukol sa usapin ng Sabah—isang direksyong sinisiguro ko po sa inyo ay hindi gagamit ng dahas. Inatasan ko na po ang DFA, DOJ, at ang ating Executive Secretary upang magsaliksik at magmungkahi ng isang roadmap tungo sa mapayapang resolusyon ng isyu ng Sabah. [
Inatasan na rin po natin ang National Historical Commission of the Philippines na itala bilang isang historical landmark ang Mindanao Garden of Peace sa islang ito. [Applause] Maaari na ring mabasa sa ating Official Gazette, sa pakikipag-ugnayan sa NHCP, ang ilang mga detalye: Ang kasaysayan ng mga pangyayaring kaugnay ng Jabidah unit, ang timeline ng mga peace process sa pagitan ng pamahalaan at ng MNLF at MILF, at iba pang kaalamang maaaring magmulat sa publiko at magtaas ng antas ng diskurso.
Magsilbi rin po sanang tanda ng pagkilala ng pamahalaan sa pagdurusa ng mga Moro ang aking pagpunta rito. [Applause] Hindi man po natin mababago ang pagkakamali ng nakaraan, tungkulin nating siguruhing hindi na mauulit ito. Nawa’y maalala natin ang naiwasan sanang pagdanak ng dugo ng ating mga kababayan; sa ating paggunita, harinawa, ay mabibigyang-saysay ang kanilang pagkamatay.
Noong Marso ng 1968, isiniwalat ng aking ama ang Jabidah Massacre, habang mariing nakatuntong sa batayang prinsipyo na mahalaga ang buhay ng bawat Pilipino. Ang sabi nga po niya sa kanyang talumpati: “The life of a Filipino, no matter how lowly he is… is as important as the life of a high official, as important as the life of a President.”
Nakatuntong po tayo dito ngayon sa Corregidor, buong-pagpapakumbabang ginugunita ang ating nakaraan, habang taas-noo namang kinikilala ang katotohanang nagbibigkis sa ating lahi: Moro ka man o Kristiyano; Bisaya o Tagalog; Agta ka, Ita o Ati ka man, o Ilokano o Ilonggo; Tausug, Yakan, Maranao, saanmang sulok ng Pilipinas ka man nanggaling, sa ilalim ng watawat ng nagkakaisang Pilipinas, pantay-pantay ang buhay ng bawat Pilipino.
Ulitin ko lang po: Ang lumipas, ‘di na po natin mababago. May tungkulin tayo sa kasalukuyan, at ‘yong hinaharap ng ating salinlahi—obligasyon nating, ‘di hamak, pagandahin.
Magandang hapon po sa inyong lahat.