
MANILA (Mindanao Examiner / June 24, 2013) – Lumagda diumano sa isang extrajudicial settlement ang ilang kaanak ng mga biktima ng tinaguriang “Maguindanao Massacre” sa mga akusado sa kaso.
Ito ang ibinunyag ng isang organisasyon ng mga mamamahayag – ang ALAM o Alab ng Mamamahayag matapos na mabatid ang naturang kasunduan na pinasok ng mga naulila sa angkan ng mga Ampatuan.
Inamin naman ni ALAM chairman Jerry Yap na nabigla at nadismaya sila matapos na malamang lumagda diumano sa settlement agreement ang 14 na kaanak ng mga mamamahayag na pinaslang sa lalawigan ng Maguindanai.
Sinabi ni Yap na napag-alamang pumirma sa kasunduan ang 14 na kaanak ng mga complainant noong Pebrero pa, ngunit hindi nabigyan ng kopya ang mga pamilya ng biktima dahil sa pinatay diumano ang kanilang negosyador.
Hindi naman pinangalanan ni Yap ang naturang negosyador at kung sino-sino ang mga pumasok sa kasunduan at kung sila ba ay nabayaran ng mga Ampatuan.
NALOKO
Gayunman, nakarating sa ALAM na isang maliwanag na panloloko ang naganap dahil ang laman umano ng kasunduan ay isang isang waiver. At batay sa waiver, tinatanggihan umano ng mga kaanak ng biktima ang mga dati nilang claims sa naturang massacre.
Naganap ang Maguindanao massacre noong November 28, 2009 na kung saan ay pinaslang ang 58 katao, kabilang ang 32 journalist and media workers.
Itinuturo din umano ng mga ito si Maguindanao Governor Esmael Mangudadatu na siyang tunay na utak ng krimen at pagpatay sa kanyang asawa kung saan ay nadamay lamang ang iba pa.
Pinaniniwalaang black propaganda naman ang naturang akusasyon kontra kay Mangudadatu at mahirap paniwalaan ang bintang dahil kabilang sa pinaslang ang ang kanyang mga kapatid at tauhan rin.
“Ano na naman bang pakana ang mga nangyayaring ito?” giit ni Yap. “Apat na taon na ang nakalilipas pero wala pa ring nangyayari sa kaso. Sa halip na luminaw, lalo pang lumalabo.”
Dahil dito, bumugso ang galit ng mga mamamahayag sa bansa sa pangunguna ng National Press Club at ALAM.
“Posibleng may naganap na pananakot kung kaya’t napilitang pumirma ang mga biktima,” dagdag pa ni Yap. “Alam nilang hiwalay ang usapin sa pagbibigay kompensasyon sa mga biktima. Iba rin ang mga kaso ng multiple murder.”
Maaari rin umanong pinanghihinaan na ng loob ang mga kaanak ng biktima dahil sa kawalan ng suporta ng gobyerno.
“Noong 2009, napakaraming nangako ng tulong at suporta sa mga biktima pero kahit isa, walang natupad,” dagdag pa ni Yap. “Kahit si Governor (Mangundadatu), nangakong susuportahan din ang mga biktima, pero ngayon, wala na rin kaming naririnig.” (May dagdag na ulat mula kay Nenet Villafania)