
ZAMBOANGA CITY (Mindanao Examiner / May 6, 2013) – Naglipana sa Zamboanga City ang mga umano’y grupo na gumagawa ng survey ukol sa darating na halalan.
Karamihan sa mga ito ay pawang mga teenagers at bahay-bahay kung kumuha ng mga impormasyon ukol sa pamilyang nakatira doon. Inaalam ng mga ito ang pangalan ng mga taong nakatira sa bahay at tinatanong kung saang presinto boboto.
Wala rin maipakitang mga identification cards ang mga ito at kalimitan ay ginagamit ang pangalan ng Commission on Elections sa kanilang mga pinaggagawa.
Kapuna-puna rin ang pagiging walang koordinasyon ng mga ito dahil may mga bahay na tatlong grupo ang nagtatanong ukol sa mga personal na impormasyon ng mga nakatira doon.
Hindi naman mabatid kung sino ang gumagamit sa kanila, ngunit maraming mga residente ang nagdududa sa mga ito kung kaya’t ang mga iba ay itinataboy na lamang sila dahil sa takot na maaaring gamitin sa pandaraya sa halalan ang pagkuha ng kanilang mga pangalan at klugar ng pagbobotohan. (Mindanao Examiner)