
ZAMBOANGA CITY (Mindanao Examiner / Apr. 25, 2014) – Dinakip ng pulisya ang isang 20-anyos na lalaki matapos umano nitong pagbantaan na papatayin ang sariling ama sa kasagsagan ng kanilang pagtatalo sa Zamboanga City.
Ayon sa pulisya kahapon ay inihahanda na ang kasong grave threats laban kay John Dave Mejias dahil sa banta nito sa amang si Danilo, 56. Sinabi ng ama na pinagbantaan siyang tatagain ng anak na armado ng bolo sa loob mismo ng kanilang bahay sa Purok 3 sa Barangay Talisayan kamakalawa ng gabi.
Sa takot na totohanin ng anak ang banta ay nagsuplong sa pulisya ang ama at inaresto si John Dave sa kanilang bahay.
Hindi naman sinabi ng pulisya ang pinagmulan ng pagtatalo ng mag-ama. (Mindanao Examiner)