
ZAMBOANGA CITY (Mindanao Examiner / July 23, 2012) – Isang tricycle driver sa Zamboanga City sa Mindanao ang walang pasubali sa kaligtasan ng kanyang pasahero matapos itong huminto ngayon hapon ng Lunes sa gitna ng isang kalsada habang pinatatawid ang isang estudyanteng lalaki upang isakay.
Halos magpatintero naman ang estudyante sa pag-iwas ng mga rumaragasang sasakyan sa kahabaan ng Nunez Extension dahil sa ayaw itabi ng tricycle driver ang kanyang sasakyan sa takot na mabangga at sa halip ay sa gita na lamang ito tumigil.
Nakuha naman ang plaka ng tricycle na JV 8550. Hindi naman agad mabatid ang identipikasyon ng driver, ngunit ang estudyante ay galing sa isang tutorial service sa nasabing lugar.
Talamak sa Zamboanga City ang kabastusan at katigasan ng ulo ng maraming mga tricycle driver. Reklamo rin ng mga pasahero ang over-charging sa pasaheng sinisingil ng mga ito sa kabila pa ng ipinatutpad na fare matrix sa nasabing lugar.
Karamihan rin sa mga libo-libong tricycle drivers ay kolorum ang mga prankisa, ngunit mistulang bingi at bulag naman ang asosasyon ng mga tricycle sa Zamboanga. (Mindanao Examiner)