
COTABATO CITY (Mindanao Examiner / Mar. 18, 2012) – Kasado na ang peace talks sa pagitan ng pamahalaang Aquino at Moro Islamic Liberation Front sa Malaysia at inaasahan na muling paguusapan ang isyu sa pinalawig na awtonomiya para sa mga Muslim sa Mindanao.
Ngayon Lunes sisimulan ang paguusap at magtatapos ito sa Miyerkoles at ayon sa MILF ay tatalakayin ang mga isyu sa power at wealth sharing sa awtonomioya, gayun rin ang ang lawak ng teritoryo na kung saan ay kabibilangan ng ibat-ibang lalawigan, kabilang na ang Zamboanga City.
Ilang ulit na rin sinabi ng pamahalaan na kailangan ay malagdaan ang peace agreement ngayon taon upang maisulong ang mga proyekto ng administrasyong Aquino sa magulong rehiyon.
Naunang sinabi ng MILF na hindi dapat madaliin ang peace deal dahil marami pang dapat na talakayin sa paguusap. Lumabas na rin sa Oman Tribune at quoted si Mohagher Iqbal, ang MILF chief peace negotiator, na pumayag na umano si Pangulong Benigno Aquino sa pagbibigay ng awtomiya sa MILF, ngunit itinanggi naman ito ni Iqbal.
Ayon pa sa MILF ay malabong magkaroon ng peace deal sa lalong madaling panahon at maliban na lamang kung papayag ang pamahalaang Aquino sa prioposal ng rebeldeng grupo na nakasaad sa kanilang Comprehensive Compact na isinumite sa grupo ni Marvic Leonen, ang chief government peace negotiator.
Isang problemang kinakaharap ng magkabilang panig ay ang pagmamatigan ni Moro National Liberation Front chairman Nur Misuari sa naturang paguusap ng pamahalaan sa MILF. Nangangamba umano si Misuari na mapunta sa MILF ang pinalawig na awtonomiya sa Mindanao.
Tinatayang mahigit sa 4 milyon Muslim ang nasa Mindanao na dating nasa pamamahala ng mga Sultan.(Mindanao Examiner)