
ZAMBOANGA CITY (Mindanao Examiner / June 10, 2014) – Inireklamo ng maraming mga motorista ang isang gasolinahan ng Phoenix sa Zamboanga City matapos na mabukong may halong tubig ang ibinibenta nitong gasolina.
Ayon sa mga nagreklamo, sa Phoenix Sutterville umano sila nagkarga ng gasolina sa kanilang motorsiklo, ngunit hindi pa man nakakalayo ay namatayan na sila ng makina.
Isang lalaki ang nagsabing nagkarga siya ng gasolina sa kanyang motorsiklo at patungo sana sa sentro ng Zamboanga upang bumili ng gamot, subali’t wala pang dalawang kilometro ang itinatakbo nito ay tumirik na ang sasakyan.
Sa nakuhang sample ng gasolina sa Phoenix ay nakita ang dami ng tubig ng nakahalo sa kanilang ibinibenta. Sinisi naman ng Phoenix ang nag supply sa kanila ng gasolina.
Hindi pa mabatid kung aaksyunan ba ito ng Department of Trade and Industry, ngunit hinimok naman ng lokal na pulisya ang mga motorista na magsampa ng kaso laban sa Phoenix. (Mindanao Examiner)