
MAGUINDANAO – Matindi na ang ugong sa posibleng coud de’etat laban sa pamahalaang Aquino bunsod ng pagiging mahina ng liderato nito kaugnay sa madugong trahedya na sinapit ng 44 Special Action Force commandos na pinaslang ng Moro Islamic Liberation Front sa Maguindanao province.
Ang kawalan aksyon ni Pangulong Benigno Aquino na pigilan ang MILF sa atake nito sa mga commandos ang isa sa dahilan ng malawakang demoralisasyon sa hanay ng pulisya at maging sa ilang grupo sa loob ng militar.
Sampung oras na nanatili si Aquino sa Zamboanga City nitong Enero 25 sa kunwa’y pagbisita nito sa mga nasabugan ng bomba doon habang nakikipaglaban para sa kanilang buhay ang mga SAF commandos na kinuyog ng MILF at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters sa Barangay Tukanalipao sa bayan ng Mamasapano.
Na-trap ang mga commandos doon habang palabas na sana matapos na mapatay ang Malaysian bomber na si Zulkifli bin Hir sa kanyang kubo sa loob ng teritoryo ng MILF.
Sa kabila ng kanyang kaalaman ukol sa madugong labanan ay bigo si Aquino na mailigtas ang mga commandos sa kamay ng mga kalaban. Tinawag pa nitong “mis-encounter” ang nasabing sagupaan.
Sinasabing may basbas ni Aquino ang operasyon ng SAF kung kaya’t agad itong lumipad sa Zamboanga City upang doon ipabatid ang pagkakapatay kay Zulkifli. Ginamit pa diumano ni Aquino na cover ang pagbisita sa mga biktima ng car bombing na naganap noon Enero 23, ngunit trahedya ang naging resulta ng misyon dahil bumulaga ang madugong balita na napatay ang mga SAF commandos.
Nais umano ni Aquino na mag-ala Pangulong Barack Obama ng ipag-utos nito ang sikretong operasyon ng SEAL Team 6 sa Pakistan upang patayin si al-Qaeda leader Osama bin Laden at tulad ng misyon ng SAF ay hindi rin ipinaalam ni Obama sa Pakistan ang naturang raid. Ngunit ang malaking kaibahan ng operasyon nina Obama at Aquino ay walang nasawing miyembro ng maliit na grupo ng SEAL Team 6 sa misyon.
Sa maraming panayam kay Aquino ay hindi nito inamin na may basbas niya ang naturang operasyon ng SAF na ibinigay umano kay suspended Police Director General Alan Purisima – na nagbitiw na sa kanyang puwesto – at maging si acting PNP Chief Leonardo Espina at Interior Secretary Mar Roxas ay bulag rin sa naturang misyon na pinangunahan ni SAF Police Director Getulio Napeñas, Jr. at deputy nitong si Superintendent Noli Taliño.
Dahil sa naganap ay napilitan rin si Napeñas na magbitiw sa kanyang puwesto upang bigyan daan ang masusing imbestigasyon. Ang mga nasawing miyembro ng SAF ay bahagi lamang ng halos 400 commandos na kasama sa operasyon, ngunit bigo naman ang grupo ni Napeñas na mailigtas ang mga kasamahan sa kabila ng kanilang pagsusumamo na magpadala ng reinforcements agad dahil wala na umano silang kalaban-laban sa puwersa ng MILF atBangsamoro Islamic Freedom Fighters.
May mga grupo rin sa Mindanao na nagsusulong na patalsikin si Presidential peace adviser Teresita Deles dahil sa kabiguan rin nito mapigil ang trahedya. Nais rin ng mga ito na busisiin ng Commission on Audit ang bilyon-bilyong pisong pondo ng tanggapan ni Deles – ang Office of the Presidential Adviser on the Peace Process – ang ang milyon-milyong salapi na ibinibigay umano ng pamahalaang Aquino at ng Malaysia sa liderato ng MILF na lumagda ng peace accord noon nakaraang taon.
Ngayon Pebrero 16 ay sinabi ng Western Mindanao Command sa Zamboanga City na suportado pa rin ng Armed Forces of the Philippines nito ang pamahalaang Aquino.
“The Armed Forces of the Philippines continues to support our duly constituted authorities amidst all allegations and controversies surrounding the circumstances of the Mamasapano incident. We remain resolute in working for internal peace and security and recognize that any ploy of destabilization is against the constitutional mandate to preserve the national security of the State,” pahayag pa ng Western Mindanao Command. (Mindanao Examiner)