
ZAMBOANGA CITY (Mindanao Examiner / Jan. 23, 2013) – Napatay ngayon Miyerkoles ang isang intelligence officer ng pulisya matapos itong barilin ng mga di-kilalang salarin sa Zamboanga City.
Nakilala ang biktima na si PO3 Abdulhan Nassar, na Assistant Director for Intelligence ng Regional Maritime Unit sa Western Mindanao. Nakasakay ito ng motorsiklo ng tirahin dakong alas 2.05 ng hapon sa Villa Santa Maria sa Barangay Santa Maria.
Pauwi na sana ang biktima ng maganap ang pagpatay. Nagkalat naman ang mga basyo ng hinihinalang bala ng M16 sa lugar ng krimen.
Sinabi naman ng hepe nito na si Supt. Romy Arino na patuloy ang imbestigasyon sa pagpaslang. “Hindi pa natin alam ang motibo at hintayin natin yun investigations (ng pulisya),” wika ni Arino.
Walang umako sa pagpatay sa parak, ngunit halos pangkaraniwan na sa Zamboanga City ang kaliwa’t-kanan na patayan. Nuong nakaraang taon ay mahigit sa 180 ang bilang ng mga napaslang sa naturang lungsod. (Mindanao Examiner)