
ZAMBOANGA CITY (Mindanao Examiner / July 8, 2012) – Isang opisyal ng pulisya sa Zamboanga City ang nahaharap sa kaso matapos na umano’y akusahan ito ng pananakit sa isang carnapping suspek na kanilang nadakip.
Ayon sa pulisya ay naganap ang pananakit nuong nakaraang buwan lamang matapos na buhusan ng maiinit na kape ng opisyal ang suspek habang nasa isang interogasyon ito.
Inireklamo ng suspek ang naganap sa kanyang pamilya na nagkataon naman ay may kapatid na abogado at isang kamag-anakang parak kung kaya’t lalong naipit ang opisyal.
Sinabi naman ng pulisya na hindi nito sasantuhin ang anumang paglabag sa karapatan-pantao ng sinuman at ang pagsasampa ng kaso laban sa akusado ay patunay na walang cover-up ang awtoridad sa naganap na pananakit.
Bagamat may kinakaharap na kaso ay patuloy naman ang paninilbihan ng opisyal sa kanyang tungkulin sa Zamboanga City Police Office. (Mindanao Examiner)