
MANILA (Mindanao Examiner / Mar. 30, 2013) – Bilang paghahanda sa nalalapit na halalan at upang matiyak na hindi masasakop ng election ban and pagbibigay ng ayuda, mas maagang matatanggap ng mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program ang kanilang mga cash grants, ayon sa Department of Social Welfare and Development.
“Alam natin na ang mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilya ay kabilang sa mga mahihirap na sambahayan at ang nakukuha nilang tulong sa programa ay ginagamit nila upang matiyak na sila ay maging malusog at makakapasok sa paaralan ang mga bata, mas maaga nating ibigay ang kanilang cash grant para siguraduhin na hindi sila maantala sa pagsunod sa mga kondisyon ng programa” ani DSWD Secretary Corazon Soliman.
Ibibigay ng DSWD nang mas maaga ang cash grant ng mga benepisyaryo para sa buwan ng Enero at Pebrero, ngunit ito ay hindi nangangahulugan na hindi na kailangang sumunod ng mga benepisyaryo sa mga itinakdang kondisyon para sa programa.
“Gagamitin pa ring batayan ang pagsunod sa mga kondisyon para sa mga susunod na cash grant. Para sa mga hindi tutupad sa mga koondisyon, ang kanilang sobrang natanggap na cash grant ay ibabawas sa mga susunod na pagbabayad” wika pa ni Soliman.
Ang Pantawid Pamilya ay programa ng pambansang pamahalaan na namumuhunan sa kalusugan at edukasyon ng mga mahihirap na sambahayan pangaunahin sa mga batang may edad 0-14.
Upang makatanggap ng tulong, ang mga benepisyaryo ay kailangang sumunod sa mga kondisyon na itinakda ng programa. Kabilang sa mga kondisyon na ito ay ang pagdalo ng mga magulang sa buwanang Family Development Session; regular na pagpapakosulta ng mga buntis at mga batang may edad 0-5 taon gulang; pagpasok sa paaralan ng mga batang may edad mula 3-14 taon gulang ng hindi bababa sa 85% ng kabuuang pasok kada buwan; pagpapapurga sa mga batang may edad 6-14 taon gulang.
Ayon sa talaan ng DSWD, mayroon ng 3,954,836 na naitalang benepisyaryo ang Pantawid Pamilya base sa datos nitong Marso 13.