DAVAO CITY – Kakulangan sa pondo at suporta ng ibat-ibang grupo ang mamamayan ang diumano’y pumipigil kay Davao City Mayor Rodrigo Duterte na i-anunsyo at tuluyang tumakbo sa pagka-Pangulo sa halalan sa susunod na taon.
Hindi rin umano sapat ang nakukuha nitong suporta sa mga dinadaluhang pagpupulong na may kinalaman sa kanyang Federal government advocacy na siyang nagsisilbing panukatan kung sasabak ba ito sa halalan o hindi.
Bagama’t marami ang nagsasabing pabor sila kay Duterte na tumakbo bilang Pangulo ngunit ang pangunahing problema ngayon ng alkalde ay ang pagkalap ng pondo upang maisulong ang kanyang kandidatura, ayon pa sa isa sa mahigpit na supporter nito.
Hindi umano sapat ang pangakong suporta ng ilang mga pulitiko kay Duterte dahil ang partido pa rin nila ang siyang magsasabi kung sino ang dapat suportahan. Nais umano ng ilang supporter ni Duterte na matulad ang kampanya nito sa ginawa ni Pangulong Benigno Aquino na nakakuha ng malawak na mandato sa publiko sa pamamagitan lamang ng “volunteerism” at kaliwa’t-kanan suporta ng malalaking kampanya at mga negosyante.
Bagama’t natuwa sa pagkakasama sa political survey ang pangalan ni Duterte, kulang pa rin umano ito, ayon sa mga lider ng ibat-ibang grupo ni Duterte na nagsusulong sa kanyang kandidatura sa kabila ng pagiging solido nito sa Davao City.
Kamakailan lamang ay naglunsag ng fun run ang mga grupong ito sa Davao, Cebu at Maynila upang ipakita ang kanilang malaking tiwala kay Duterte at sa kakayahan nitong maging Pangulo ng bansa. Ilang ulit na rin sinabi ni Duterte na magreretiro siya pagkatapos ng kanyang termino, ngunit iba naman ang mga talumpati nito sa mga forum sa Federalism kung kaya’t nalilito ang publiko sa talagang motibo ni Duterte.
Inaasahang tatakbo naman ang anak nito na dating alkalde ng Davao na si Sarah sa darating na eleksyon. (Mindanao Examiner)
Like Us on Facebook: https://www.facebook.com/mindanaoexaminer
Follow Us on Twitter: https://twitter.com/MindanaoExamine
Read Our News on: http://www.mindanaoexaminer.com/ and http://www.mindanaoexaminer.net/
Share The News