
ZAMBOANGA CITY (Mindanao Examiner / Oct. 14, 2013) – Mahigit isang buwan ng hindi tumatanggap ng sahod ang mga empleyado ng provincial government ng Sulu at Tawi-Tawi dahil walang sapat na salaping pumapasok sa lalawigan.
Apektado ang pagkuha ng Internal Revenue Allotment (IRA) sa mga banko upang maipa-sweldo sa mga empleyado dahil hanggang ngayon ay suspindido pa rin ang lahat ng biyahe ng mga eroplano mula Zamboanga patungong Sulu at Tawi-Tawi mula ng sumiklab ang kaguluhan dito.
Hindi pa rin binibigyan ng go signal ng Crisis Management Committee sa ilalim ni Mayor Maria Isabella Salazar ang muling pagbubukas ng biyahe sa naturang mga lalawigan kung kaya’t apektado ng husto ang lahat ng sektor sa Sulu at Tawi-Tawi. Maging ang mga proyekto ng mga lalawigan ay apektado rin.
Ngunit pinayagan naman ni Salazar na magbukas ang biyahe ng mga eroplano mula Zamboanga patungong Maynila, Cebu at Davao nuong nakaraang buwan pa.
Sinabi naman ng Department of Budget and Management sa Zamboanga na walang problema ang release ng IRA sa Sulu at Tawi-Tawi bagamat naantala lamang ito ng ilang lingo dahil sa sagupaan.
“Okay na yun IRA for September and October dahil na-release na ang mga ito at wala naman kaming nakukuhang reklamo mula sa mga budget officers. Nasa bangko na kung paano nila idedeliver ang pera,” ani Atty. Nilda Cemine, ang assistant regional director ng DBM, sa panayam ng Mindanao Examiner.
Ayon sa mga budget officers ay walang eroplanong magdadala ng salapi kung kaya’t hirap na hirap na umano ang mga empleyado dahil napipilitang umutang sapagka’t walang sapat na pera ang mga bangko tulad ng Land Bank of the Philippines.
Inamin naman ni Shirley Macaso, ang manager ng Land Bank of the Philippines sa Zamboanga City, na hindi nga mabigyan ng salapi ang kanilang bangko sa Sulu at Tawi-Tawi dahil sa walang mga eroplanong magdadala nito.
“Suspended pa rin yun flights for Sulu and Tawi-Tawi at ilang beses na rin kaming humingi ng permiso mula sa Crisis Management Committee and we also talked to the (management) of the Philippine Air Lines and Cebu Pac(ific), but wala pa rin go signal from the Civil Aviation Authority of the Philippines, and we also tried chartering a plane to bring the money and hindi rin puwedeng lumipad dahil walang flights na allowed sa Sulu and Tawi-Tawi, and we talked to the military about giving us a special flight, and ang priority kasi nila is the mission and so we have to wait kung may available aircraft na magagamit to transport the money,” sabi ni Macaso sa hiwalay na panayam ng Mindanao Examiner.
Sinabi ni Macaso na maaaring ma-encash ng mga local government units ang kanilang IRA sa Zamboanga City, ngunit malaking peligro naman ang pagdadala nito para sa mga budget officers. Wala naman problema sa kalapit na Basilan province dahil regular ang biyahe ng mga barko doon patungong Zamboanga.
Hindi naman mabatid kay Salazar kung bakit hanggang ngayon ay hindi pa rin nito pinapayagan ang biyahe ng mga eroplano patungong Sulu at Tawi-Tawi.
Ngunit sa mga nakalipas na pahayag ni Salazar ay sinabi nitong depende na sa militar at pulisya kung maaari ng payagan ang Civil Aviation Authority of the Philippines na mabigyan ng permisong makabiyahe ang mga air line companies.
Natigil ang biyahe matapos na umatake sa Zamboanga noong September 9 ang mga rebeldeng Moro National Liberation Front at nagtagal ang sagupaan ng halos tatlong lingo na kung saan ay mahigit sa 400 katao ang nasawi at sugatan sa labanan. (Mindanao Examiner)