
ZAMBOANGA CITY (Mindanao Examiner / Sept. 13, 2013) – Poot ang umiiral sa karamihan sa mga residente sa Zamboanga City matapos na muling masunog ang malaking bahagi ng dalawang barangay dito na kung saan ay muling nagkabanatan ngayon araw ang puwersa ng militar at rebeldeng Moro National Liberation Front.
“Mga hayup itong mga rebelde at ang tahimik ng Zamboanga ay dito pa naghasik ng lagim at kawawa naman ang mga inosenteng sibilyan. Apektado pa ang buong Zamboanbga dahil sa katarantaduhan ng mga rebelde,” ani Jun, 27, habang nakatanaw sa malaking sunog sa Barangay Santa Barbara at Santa Catalina mula sa kalayuan.
Umabot sa11 katao ang sugatan, kabilang ang mga miyembro at volunteers ng Red Cross matapos na sumabog ang isang mortar projectile na pinakawalan ng MNLF di-kalayuan sa kanilang kinalalagyan sa labas lamang ng Zamboanga Medical Center.
“Dapat doon sila magbarilan sa gitna ng Kalayaan Island at hindi dito sa Zambo at inutil rin ang pamahalaan at lalo na ang militar sa kapalpakan nila. Hindi nga napigilan yun paglusob ng mga rebeldeng ito, what more kung may mga darating pang mga terorista. Magbi-vigilante na lang kami para patas ang laban,” wika naman ni Celso, 22.
Walang naman inulat na malubha ang tama, ngunit nagdulot ito ng matinding takot sa lahat. Malaking problema rin ang dulot ng mga miron dahil nagkalat ang mga ito sa mga lugar na kung saan ay may labanan upang makita ng malapitan ang aksyon.
Nagmistulang mga turista naman ang karamihan sa mga miron dahil sa panay na pag kuha ng larawan sa labanan gamit ang kanilang cell phone. Wala na rin magawa ang pulisya dahil kulang rin sa mga parak ito upang itaboy ang mga miron.
Hindi pa mabatid ang tunay na bilang ng mga nasawing rebelde, ngunit ilang bangkay naman ang nabawi ngayon araw ng mga sundalo mula sa dalawang barangay.
Umabot na sa mahigit 25,000 ang bilang ng mga refugees at sa ibat-ibang temporary shelters at marami rin ang nagtayo ng mga tagpi-tagping tents sa tabi ng karagatan. Wala na rin makain ang karamihan sa kanila dahil apektado ang kanilang mga hanap-buhay. (Mindanao Examiner)