
MANILA (Mindanao Examiner / June 23, 2014) – Nanawagan ngayon ang media group Alab ng Mamamahayag na huwag bigyan ng “VIP treatment” ang mga sangkot sa kontrobersyal na pork barrel scam.
Matatandaang nagrereklamo ang kampo ni Sen. Bong Revilla na mainit at may mga ipis at daga ang kulungan niya sa Camp Crame.
Ayon kay ALAM Chairman Jerry Yap, nakadidismaya kung bibigyan ng “special treatment” si Revilla at ang iba pang senador na posibleng makulong.
“Hindi patas sa iba pang bilanggo kung kumportable ang kalagayan ng mga nagnakaw ng bilyon-bilyon sa kaban ng bayan, samantalang nagdurusa ang mga mahihirap na nagnakaw ng P500 o mas maliit pa,” ani Yap.
“May mga mayayamang inmates na air conditioned ang kwarto at may access pa sa droga, alkohol at maging mga sex worker.Kulang na lang, lagyan nila ng spa at massage parlor. Dapat sa mga bilanggo ay parusahan. Kaya sila nakakulong ay dahil gumawa sila ng krimen na dapat pagbayaran. Hindi sila nagbabakasyon. At hindi nila rest house ang kulungan,” dagdag pa nito.
Binatikos rin ni Yap ang hinihingi ni Sen. Jinggoy Estrada na TV sa kanyang magiging selda sakaling maihain na ang warrant laban dito.
“Gagawin pa niyang extension ng bahay niya ang kulungan. Susunod niyan, hihingi rin siya ng telephone line at internet connection at cellphone. Magsusunuran na rin ang iba pang inmates. Maganda na nga ang selda nila kumpara sa siksikang selda ng mahihirap, maluho pa,” ani Yap.
Iginiit din ng dating pangulo ng National Press Club (NPC) na dapat ay pantay-pantay ang trato sa bawat inmate, senador man o ordinaryong criminal. “Lahat sila, kaya nakulong ay dahil sa pagkasangkot sa pandarambong sa pera ng bayan,” ani Yap. “Dapat lang na pare-pareho ang trato sa kanilang lahat.”
Matatandaang nakakulong na sa PNP Custodial Center si Revilla matapos sumuko sa Sandiganbayan kamakakailan. Handa na rin sa pagsuko sina Estrada at Sen. Juan Ponce-Enrile na sangkot rin sa pork barrel scam.
Gayunman, handa na rin ang petition for bail nina Estrada at Enrile. Haharapin nila ang mga kasong plunder at graft sa Sandiganbayan kaugnay ng multibilyong pork barrel scam. (Nanet Villafania)