
ZAMBOANGA CITY (Mindanao Examiner / Mar. 31, 2014) – Dinukot kahapon ng 5 maskaradong armado ang isang principal sa bayan ng Sumisip sa magulong lalawigan ng Basilan sa Autonomous Region in Muslim Mindanao.
Ayon sa ulat ng militar at pulisya ay sakay umano ng pampasaherong jeep ang 60-anyos na si Benita Enriquez Latonio ng ito’y harangin ng mga armado sa Barangay Libug at sapilitang tangayin. Wala na umanong nagawa ang ibang mga hintatakot na pasahero sa naganap kundi ang magmakaawa.
Patungo umano sa Isabela City ang naturang jeep ng ito’y harangin ng grupo.
Walang umako sa pagdukot, ngunit ayon sa mga intelligence reports ay possible umanong grupo ni Abu Sayyaf leader Juhaibel Alamsirul ang tumira sa guro ng Manggal Elementary School.
Hindi pa mabatid ang motibo sa pagdukot, ngunit ilang ulit ng isinabit ng mga awtoridad ang Abu Sayyaf sa maraming kaso ng ransom kidnappings sa Western Mindanao. Ransom rin ang ginagamit ng Abu Sayyaf upang makabili ng armas at pondohan ang paghahasik nila ng terorismo sa Mindanao.
Iniuugnay rin ng militar at pulisya ang Abu Sayyaf sa al-Qaeda at Jemaah Islamiya na siyang nasa likod ng mga atake hindi lamang sa bansa, kundi maging sa Thailand, Singapore at Malaysia dahil sa isinusulong na regional Islamic caliphate sa Southeast Asia. (Ely Dumaboc)