DAVAO CITY – Patuloy umano sa pagkalat ng propaganda ang ilang mga leftist organization at human rights groups ukol sa nadakip na suspek sa pambobomba at bigong pagpatay kay Sulu Gov. Sakur Tan sa naturang lalawigan.
Nadakip ng pinagsanib na pulisya, militar at intelligence agencies si Temogen Tulawie, alias Cocoy, nuong nakaraang buwan sa kanyang hideout sa Davao City matapos ng halos dalawang taon pagtatago umano sa batas. Isinabit ng mga awtoridad sa Sulu at Zamboanga si Tulawie sa diumano’y pambobomba ng convoy ni Tan nuong 2009. Inilipad ito sa Zamboanga City upang iharap sana kay Judge Leo Princepe sa Sulu – na siyang naglabas ng warrant of arrest laban kay Tulawie – ngunit inapela naman ng mga abogado nito ang kautusan ng korte at pilit na inilipat muli sa Davao. Abu Sayyaf ang itinuro ng pulisya at militar sa likod ng atake sa convoy ni Tan sa bayan ng Patikul at 11 katao ang sugatan dito, kabilang ang prominenteng pulitiko matapos na sumambulat ang bomba na inilagay sa nakaparadang motorsiklo sa kalsada. Pulitika diumano ang tunay na dahilan ng atake dahil ilang beses na umanong natalo sa halalan si Tulawie. Sinabi ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) na dalawa umanong Abu Sayyaf ang nadakip sa Sulu matapos na makipaglaban ang mga ito sa pulisya. At sa kasagsagan ng imbestigasyon ay inginuso ng mga ito si Tulawie na diumano’y utak ng bigong pagpatay, ayon pa kay Zamboanga City Prosecutor Ricardo Cabaron. Ito rin ang sinabi ng pulisya, ngunit itinanggi naman ni Tulawie ang lahat ng akusasyon sa kanya. Ayon sa mga awtoridad ay ginamit lamang umano ni Tulawie ang kanyang pagiging aktibista upang makakuha ng simpatya mula sa mga human rights groups at peace advocates sa Mindanao na siyang nagbibigay sa kanya ng proteksyon. Si Tulawie rin umano ang pangunahing nagtanggol sa mga nahuhuling Abu Sayyaf sa Sulu. “Nakikisawsaw na lamang yun ibang mga grupo diyan sa kaso, lalo na yun mga aktibista, pero hindi naman nila alam ang tunay na istorya ng kaso laban kay Cocoy. Marami sa kanila ang posibleng sumabit dahil they coddled a fugitive from the law, pero mayroon ongoing investigation diyan kung sino ang mga personalities na nagtago sa kanya,” ani pa ng isang opisyal ng pulisya. Nais naman ng pulisya at militar na ilipat na lamang si Camp Bagiong Diwa sa Taguig City si Tulawie at doon gawin ang hearing ng kaso laban sa kanya. Nangangamba umano si Tulawie sa kanyang siguridad kung sa Sulu ito gagawin, bagama’t tagaroon ito. Inulat naman ng ABS-CBN Zamboanga na bagamat nasa bilangguan si Tulawie ay inihingi pa nito ng tulong mula sa mga human rights groups ang isang hinihinalang Abu Sayyaf bomber na si Abu Esmael na dinakip sa Basilan province kamakailan sa akusasyon na sabit ito sa terorismo at kidnappings-for-ransom. Tulad ni Tulawie ay mariing itinanggi rin ni Esmael sa CIDG ang lahat ng bintang sa kanya. (Mindanao Examiner) |
Ang larawan ni Temogen Tulawie na inilabas ng pulisya sa media sa Davao City matapos na madakip ng pinagsanib na puwersa ng Philippine National Police at Armed Forces of the Philippines sa kanyang hideout sa naturang lungsod.