
ZAMBOANGA CITY (Mindanao Examiner / Feb. 28, 2012) – Stranded kahapon ang daan-dang mga biyahero sa Zamboanga City na patungo sana sa lalawigan ng Zamboanga del Sur, Zamboanga Sibugay at Zamboanga del Norte dahil sa kawalan ng mga bus na bumibiyahe doon.
Ito’y matapos na pakyawin umano ng Iglesia Ni Cristo ang mga bus na pagaari ng Rural Transit of Mindanao upang magamit sa pagdiriwang ng Grand Evangelical Mission sa buong bansa.
Bawa’t rehiyon ay may kanya-kanyang pagtitipon, partikular ang malalayong lugar na hindi makakadalo sa sentro ng selebrasyon sa Quirino Grandstand sa Luneta Park.
“Stranded ang maaming pasahero dahil walang mga bus at lahat ay ginamit ng INC,” ani pa ng biyaherong si Elizardo Dumab na nakipagsingitan sa mga maliit na pampasaherong van makarating lamang sa bayan ng Ipil sa Zamboanga Sibugay.
Isang show of force diumano ang hakbang ng INC sa ilalim ng maimpluwensyang si Eduardo Manalo, 56, na siyang pumalit sa ama nitong si Eraño Manalo na namatay nuong 2009 matapos ng halos 46 pamumununo nito.
Sinuportahan ng INC si Pangulong Benigno Aquino ng ito’y tumakbo bilang pangulo. (Mindanao Examiner)