NORTH COTABATO – Kalaboso ngayon ang isang public school teacher at tatlong mga kasama nito matapos na maaresto sa inilunsad na buy-bust operation ng pinagsanib na pwersa ng mga otoridad sa Barangay Awang sa bayan ng Datu Odin Sinsuat sa lalawigan ng Maguindanao.
Kinilala ni Philippine Drug Enforcement Agency ng Autonomous Region in Muslim Mindanai Director Juvenal Azurin ang mga nahuli na sina Salama Diwa Talib, isang public school teacher ng Datu Unsay Elementary School; Saiden Adil Yusa alyas Erin, Mahmod Guiamalodin Dimudtong at Nasar Kamurindong Pasawilan pawang mga taga Barangay Paguitin sa bayan ng Datu Salibo.
Isinagawa ang operasiyon pasado alas-5:00 ng hapon nitong Biyernes lamang.
Makikita sa larawang ito na ipinasa ng PDEA-ARMM sa Mindanao Examiner regional newspaper ang mga umano’y droga, cell phones at iba pa mula sa mga nahuling suspek.
Ayon kay Azurin, unang nakuha sa mga suspek ang isang sachet ng pinaghihinalaang shabu na nakatakda sana nilang ibenta sa isang PDEA agent na may bigat na 50 grams at nagkakahalaga ng P340,000. Nakuha rin mula sa apat na mga suspek ang 19 na sachets ng pinaghihinalaang shabu na may bigat namang 950 grams at nagkakahalaga ng mahigit sa P6 milyon.
Maliban sa iligal na droga, nakuha rin mula sa kanila ang 4 na cellphones na pinaniniwalaang ginagamit ng mga ito sa kanilang illegal drug transactions, 1 thousand pesos at play money bilang marked money.
Sinabi pa ni Azurin, ang mga suspek ay kabilang sa kanilang high value target na aniya’y nag-ooperate sa mga bayan sa Maguindanao, Cotabato City at maging sa National Capital Region. Kaugnay nito ay pinuri naman ni PNP-ARMM Director Police Chief Superintendent Graciano Mijares ang operating team sa pagkaka-aresto sa apat na bigating drug personalities.
Nahaharap ngayon ang apat sa kasong paglabag sa RA 9165 o comprehensive dangerous drugs act of 2002 at sila ay kasalukuyang nasa kustodiya na ng PDEA-ARMM. (Rhoderick Benez)