
PAGADIAN CITY (Mindanao Examiner / May 26, 2012) – Pinagiingat ngayon ng pulisya ang mga kawani nito at maging alerto kontra sa atake ng mga rebeldeng New People’s Army sa Misamis Oriental at kalapit na lalawigan nito sa northern Mindanao.
Ito’y matapos na itumba ng NPA si PO1 Al Tinampay habang nagsasaya ito sa isang sabungan sa Barangay Umagos sa bayan ng Lagonglong. Isang tama ng bala sa kanyang ulo ang ikinasawi ng parak.
Agad rin tumakas ang salarin at nakisabay sa takbuhan ng mga ibang sabungero. Wala naman pahayag ang pamilya ng biktima, ngunit nabatid na pinasok rin ng mga rebelde ang bahay ni Tinampay at pinaghahanap ito bago natagpuan sa sabungan.
Tinangay rin ng mga rebelde ang armas ni Tinampay sa kanyang bahay. Hindi naman agad mabatid kung may mga ibang tao sa bahay ng maganap ang raid. Matagal na umanong target ng NPA si Tinampay dahil sa mga alegsasyon ng pagmamalabis sa nasabing bayan.
Itinanggi naman ng pulisya na nagsasabong si Tinampay at sinabing nasa isang misyon umano ito upang arestuhin ang isang lalaki na wanted sa isang kaso sa nasabing bayan. (Mindanao Examiner)