ZAMBOANGA CITY (Mindanao Examiner / Jan. 5, 2014) – Itinanggi ng pulisya at militar ang naglabasang balita sa mga pahayagan na pugot ang mga ulo ng 8 mangingisda na pinaslang sa karagatan ng Zamboanga Sibugay sa Western Mindanao.
Sinabi mismo ni Chief Inspector Ariel Huesca, ang tagapagsalita ng regional police office, na kumpleto ang bangkay na kanilang natagpuan na lulan ng isang bangka na napadpad malapit sa Sacol Island na sakop ng Zamboanga City. Ang mga biktima na pawang mga Badjao na pinaslang at inulat na nawawala noon Disyembre 26.
“Intact yun mga katawan at walang pinugutan ng ulo kahit isa, ngunit naagnas na ang mga bangkay dahil sa tagal nito sa laot. Hawak na ng SOCO (Scenes of Crime Officer) ang kaso,” ani Huesca sa pahayagang Mindanao Examiner.
Kinumpirma rin ito ni Captain Jefferson Somera, ang spokesman ng 1st Infantry Division, at ayon sa kanya ay dalawa sa mga inatake ang nakaligtas at nakilalang sina Loloy Ampasali, 22, at Muksi Ampasali, 16 – at ngayon ay nasa Zamboanga City.
Kinilala naman ni Huesca ang mga napaslang na sina Mursid Ambasali, Jimmy Sannayani, Benjie Sannayani, Piyad Sannayani, Palaji Sannayani, Jeffrey Sannayani, Palari Buyong at Maastal Jaolani – na pawang mga residente ng Sitio Seaside sa Barangay Sangali sa Zamboanga City. Isang mangingisda pa ang nawawala at hinihinalang pinatay at itinapon sa karagatan.
Walang umako sa pagpatay, ngunit sinabi ni Huesca na may kinalaman ang atake sa pagkamatay ng isang pirata noon nakaraang taon matapos itong aksidenteng masabugan ng dinamitang ginagamit ng mga Badjao sa kanilang illegal fishing.
“We have a report that one pirate extorting from fishermen died from accidental blast and this started it all, but our investigation still continues to determine who were really behind the killing of the fishermen,” ani Huesca.
Ang Badjao ay isa sa mga pinaka-tahimik na tribo sa Mindanao at kalimitan ay sa kanilang mga banca ito namumuhay bilang mga mangingisda at mat weaver. (May ulat ni E. Dumabo)