MARAWI CITY – Nagbanta ang Maute jihadist group na puputulan nito ng ulo si Pangulong Duterte at ito ay base sa natagpuang mensahe na isinulat diumano sa blackboard sa bayan ng Butig sa Lanao del Sur, isa sa 5 lalawigan ng Autonomous Region in Muslim Mindanao.
Maging mga sundalo ay kabilang sa banta na iniwan ng tinatayang 200 jihadist sa pangunguna ni Abdullah Maute. Nakatakas ang mga jihadist sa kabila ng libo-libong sundalo na ipinadala sa Butig upang mabawi ang bayan mula sa pagkakabihag nito ng Maute group.
Natagpuan ang mensaheng: “”TAGOT/Homanda ka Duterte popogotan/namen ikaw nang olo. Humanda kayong mga sondaro/popogotan namen kayo ng mga olo.”
Walang pahayag ang Palasyo ukol sa banta laban kay Duterte na nagsabing gusto nitong makipag-usap sa Maute group upang matigil na ang paghahasik nito ng lagim sa Lanao del Sur. Suportado ng maraming Muslim sa lalawigan ang nasabing grupo.
Hindi naman agad makumpirma kung talagang isinulat ito ng naturang grupo dahil bihasa naman sa wikang Pilipino at Ingles ang karamihan sa mga ito. Posibleng propaganda rin ito upang bigyang ng dahilan si Duterte na suspindihin ang writ of habeas corpus na siyang magagamit ng mga awtoridad na habaan ang paghawak sa mga nadakip na terror suspek.
Walang pahayag na inilabas ang Maute group ukol sa pagtakas nito mula sa Butig. Iginiit ng militar na napatay nito ang 61 mga jihadist, subalit wala naman maipakitang bangkay ang mga sundalo maliban sa intelligence report ukol dito.
Hirap pa rin ang mga tropa na malinis sa nagkalat na pampasabog sa lugar. Wasak naman ang maraming mga kabahayan at mosque doon dahil sa tama ng mga bala at bomba na pinakawalan ng militar. Naitaas na rin ang bandila ng bansa sa lumang munisipyo na kung saan ay idinisplay ng Maute group ang watawat ng Islamic State doon.
Natagpuan rin sa bayan ang maraming mga fox holes na ginamit ng mga jihadist sa kanilang isang linggong pakikipaglaban sa militar. (Mindanao Examiner)
Like Us on Facebook: https://www.facebook.com/mindanaoexaminer
Follow Us on Twitter: https://twitter.com/MindanaoExamine
Read Our News on: http://www.mindanaoexaminer.com / http://mindanaoexaminernewspaper.blogspot.com/
Share Our News
Digital Archives: issuu.com/mindanaoexaminernewspaper