
ZAMBOANGA SIBUGAY (Mindanao Examiner / Apr. 22, 2012) – Isang rally ang isinagawa ng mga aktibista kontra sa diumano’y laboratory ng TVI sa bayan ng Ipil sa Zamboanga Sibugay province, ngunit na-‘Wow Mali’ naman ang mga ito dahil matagal ng lumipat ang naturang mining firm sa ibang lugar.
Halos pulo mga estudyante naman ang sumama sa rally na isinagawa ng Patriotiko Mindanao at Panalipdan Mindanao kamakalawa bilang pakikilahok sa Earth Day celebration.
Inakusahan ng grupo ang TVI – na may ‘exploration’ sa bayan ng Bayog sa kalapit na Zamboanga del Sur province – ng umano’y polusyon, ngunit wala naman binanggit ang mga aktibista sa illegal mining operations ng libo-libong mga small scale miners sa lugar. Ito ay sa kabila ng paglalabas ng pamahalaan ng isang “cease and desist” order sa lahat ng illegal mining operations sa Zamboanga Peninsula.
Hindi naman mabatid kung pinondohan ba ng mga financiers ng illegal mining operations ang mga lider ng aktibista na magsagawa ng rally sa Ipil dahil ang orihinal na target ng mga ito ay ang ‘Balikatan’ exercises ng mga Kano at sundalong Pinoy sa Zamboanga.
Itinanggi naman ng TVI ang mga aksusasyon sa kanila. Walang mining operation ang TVI at tanging exploration lamang ang ginagawa nito, subalit marami na itong programa na inilunsad sa Zamboanga na nakatulong ng malaki sa ibat-ibang komunidad doon.
Isa ang TVI sa may pinaka-modernong gamit sa pagminina at mataas ang safety standard nito na maihahambing sa mga mas malalaking kumpanya sa buong mundo.
Binatikos pa ng mga aktibista ang pulisya at militar na nagbibigay umano ng proteksyon sa TVI, ngunit matagal ng walang security mula sa military ang nasabing kumpanya dahil iniutos umano ni General Rainier Cruz ng 1st Infantry Division ang pull out ng lahat ng militiaman nito na nagsisilbing siguridad sa kapaligiran ng TVI exploration sa Zamboanga.
Kilalang kuta ng mga rebeldeng Muslim at komunista ang Zamboanga Peninsula at hindi naman mabatid kung ano ang dahilan kung bakit tinanggal ang siguridad ng TVI at mga empleyado nito.
Sinabi naman ng Western Mindanao Command na hindi dapat tinanggal ang mga government militia sa TVI dahil ito rin ang nagsisilbing pananggol ng mga sibilyan sa lugar kontra sa mga rebelde at pagpuslit ng mga dinamita at mga kemikal na gamit ng illegal miners at big time financiers nito sa Zamboanga. (Mindanao Examiner)