
ZAMBOANGA CITY (Mindanao Examiner / Feb. 27, 2014) – Isa ang patay at isa ang sugatan matapos na magrambulan ang dalawang grupo dahil lamang umano sa selos sa pinagaagawang babae sa isang bar sa Zamboanga City.
Nakilala ang nasawi na si Simon Carido, 29, na binaril sa ulo at katawan matapos na maagaw ng isa sa kanyang kalaban ang baril nitong kalibre .45 sa labas ng Las Vegas Beer Garden sa Camins Avenue na tinaguriang red-light district dito.
Nabatid na binaril umano ni Carido si Yasher Jundam, 23, sa kasagsagan ng rambulan ng dalawang grupo, ngunit naagaw naman sa kanya ang baril ng isang lalaki at ito’y ipinutok sa kanyang bungo at katawan ng salarin na agad rin tumakas.
Nakilala naman ng pulisya ang mga diumano’y kasamahan ni Jundam na sina Adzramel Jimlani, 24; Arnulfo Serna, 27; at Mark Alister Hinaut, 24. Hindi naman mabatid kung ilan ang kasama ni Carido ng maganap ang rambulan.
Nabawi rin ng pulisya ang baril at apat na basyo ng bala sa lugar. Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa naganap. (Mindanao Examiner)