Patay ang isang retiradong Police Official matapos tupukin ng apoy sa loob ng kanyang nasusunog na bahay sa Brgy Rosary Heights 1, PC Hill Cotabato City, kaninang madaling araw
Ayon kay Cotabato City Bureau of Fire Protection Spokesperson FO2 Aldrin Jason Nara, base umano sa statement ng mga kapitbahay at mga tanod sa lugar, ay nagmula umano sa kisame ng kwarto ng bed ridden retired PNP official na nakilalang si Retired Colonel, Major Mambatao nasa 70 taong gulang, ang sunog alas-2:00 ng madaling araw kahapon.
Habang nakaligtas naman ang anak nitong babae matapos na makalukso sa 2nd floor ng kanilang bahay.
Meron din umanong kasamang bata sa loob ng kwarto ang biktima na kanya namang pinalundag sa bintana upang makaligtas sa sunog.
Dagdag pa ni Nara na tumagal ng humigit isang oras ang pag-apula ng mga bombero sa nasabing sunog. Abot naman aniya sa anim na mga bahay ang tinupok ng apoy matapos na mabilis itong kumalat.
Aniya, mabagal ang kanilang pagresponde sa insidente dahil sa makitid at walang madaanan ang firetruck sa lugar.
Hindi naman magkanda-ugaga ang mga residente ng PC Hill na nag-alsa balutan dahil sa takot na madamay sa sunog. Samantala, sinabi ni Nara na patuloy pa rin ang kanilang imbestigasyon sa nangyaring sunog maging sa pag-alam ng kabuuang danyos sa natupok na mga ari-arian ng mga biktima. (Rhoderick Beñez)