
MANILA (Mindanao Examiner / Sept. 1, 2013) – Hinihiling ngayon ng media group Alab ng Mamamahayag kay Pangulong Benigno Simeon Aquino na ilaan na lang sa mga makahuhuli ng media killers ang P10 milyong inilatag niya para madakip ang umano’y utak ng P10-bilyon scam na si Janet Lim Napoles.
Ayon kay ALAM President Jerry Yap, kulang na kulang pa rin sa aksyon at programa ang Department of Justice, National Bureau of Investigation at Philippine National Police laban sa mga media killers.
Kung may P10 milyong umanong tinatanaw, sisipagin ang mga miyembro ng kapulisan maging ang mga ordinaryong mamamayan para magpursiging hanapin ang mga kriminal. “Heto na ang ika-19 na miyembro ng media na napatay sa ilalim ng pamumuno ni Aquino,” ani Yap. “Malapit na niyang malampasan ang bilang ng media men na namatay noong panahon ng martial law.”
Kamakailan lamang at pinatay si dxLS broadcaster, Nanding Solijon, sa Iligan City. Si Solijon ay isang hard-hitting broadcaster sa kanilang lugar.Dalawang motorcycle gunmen na armado ng kalibre .45 ang pumatay sa biktima.
“Nagsasawa na kami sa paninikluhod sa mga nagbibingi-bingihang sina DOJ Sec. Leila de Lima, Interior Sec. Mar Roxas, PNP chief, Director General Alan Purisima, at kahit pa kay President Aquino,” ani Yap. “Puro sila pangako lagi namang napapako. Wala na yata kaming mahihintay na hustisya.Buwan-buwan, may pinapatay na media man. Minsan nga, dalawa o tatlong beses pa.”
Ngunit kung ibibigay umano ni Aquino ang dati na niyang pinakawalang P10 milyong reward money, magkakaroon sila ng kaunting pag-asa. “Money talks,” dagdag pa ni Yap. “Kung si Napoles nga, napilitan raw sumuko dahil sa dami ng naghahanap sa kanya, yun pa kayang mga karaniwang kriminal lamang.”
Binigyang diin ni Yap na mahalaga ang mga media men sa isang bansang nasa ilalim ng demokrasya.
“Hindi masasabing may demokrasya sa isang bansa kung pinapatay ang mga taong nagtatangkang maglantad ng katotohanan,” ani Yap na dating pangulo ng National Press Club.
“Kung buwan-buwan, may pinapatay na media men, nasaan ang demokrasya sa Pilipinas? Pero kung talagang nagmamalasakit si Aquino tulad ng ipinangako niya noong nangangampanya pa siya, ilalabas niya ang P10-milyon mula sa kanyang discretionary fund para mahuli ang mga media killers at magamit na pondo para sa legal expenses sa mga nakabinbin kaso sa mga media killers.”
“Pero kung hindi,mapipilitan na ang media na umaksyon para maipagtanggol ang kanilang sarili. Gusto ko lamang ipaalala sa kanilang lahat na hindi invinsible ang media men. Tinatalaban rin kami ng bala at kutsilyo,” wika nito. (Nanet Villafania)