
MANILA (Mindanao Examiner / Mar. 28, 2014) – Nagbabala ngayon ang Royal Security Force ng Sultanate of Sulu and North Borneo na maglulunsad ito ng gulo sa Mindanao kung hindi tutugunan ng pamahalaang Aquino ang ipinaglalaban nilang karapatan sa Sabah, Malaysia.
Sa pahayag na ipinadala sa pahayagang Mindanao Examiner, sinabi ni General Panglima, na mahigit na umanong isang taon mula ng pasukin ng Royal Sultanate Army ang bayan ng Lahad Datu sa Sabah hanggang sa pumanaw ang pinunong si Sultan Jamalul Kiram ay wala pa umanong nagagawang hakbang ang pamahalaan upang tugunan ang problema.
“Nananawagan kami sa pamahalaan na sana po gawin nila o hanapan na lang ng paraan ang isyu na ito at huwan naman nila ito isantabi. One year na kami sa giyera at naghihinay mula ng sumuklab ang gulo sa Sabah noon February 2013 at 2014 na ngayon ay wala pa rin action ang pamahalaan ukol dito sa Sabah claim,” ani General Panglima.
Wala rin umanong hakbang ang pamahalaan na mabawi ang Sabah mula sa Malaysia sa kabila ng pagiging bahagi ito ng Sultanate of Sulu. Maging ang pagkakapiit sa mga nadakip na miyembro ng Royal Security Force sa Sabah ay wala rin umanong ginagawang aksyon ang pamahalaan upang matulungan ang mga nakabilanggo.
“Binalewala nila ang aming isu (sa Sabah). Masakit man sa amin na pumanaw na ang mahal namin pinuno na si Sultan Jamalul Kiram III at hindi rin sila nakinig. Kung kaya’t gulo lang ang gusto nilang pag-usapan o pakinggan ng pamahalaan, kaya din namin gumawa ng malaking gulo o karahasan sa buong Mindanao kahat na minamaliit pa nila ang aming puwersa o grupo kaya nananawagan kami sa pamahalaan na tulungan kaming hanapan ng paraan ang isyu ma ito. Magtulungan at magkaisa tayo at laban na ito para sa buong Pilipino, Kristiyano at Muslim ay magkapatid at iisang dugo,” wika pa ni General Panglima.
Hindi naman agad makumpirma o mabatid kung may katotohanan ang paratang ng Royal Security Force, ngunit hindi pa rin lumulutang si Raja Muda Agbimuddin Kiram na siyang nanguna sa naturang grupo na nakipaglaban sa mga Malaysian security forces sa Lahad Datu.
Naganap ang pagbabanta matapos na malagdaan ang peace agreement sa pagitan ng Moro Islamic Liberation Front at pamahalaang Aquino sa tulong na rin ng Malaysia.
Inaangkin ng Sultanate of Sulu, sa ilalim ng nasawing si Sultan Jamalul Kiram III, Sultan “Bantilan” Esmail Kiram II, ang Sabah na ang pangalan noon ay North Borneo na ibinigay naman ng Sultan of Brunei dahil sa pagtulong ng Sultan of Sulu noon na magapi ang rebelyon doon. Ngunit inako naman ito ng Malaysia matapos na arkilahin ng Britanya sa Sultante of Sulu. (Mindanao Examiner)