
ZAMBOANGA CITY (Mindanao Examiner / Apr. 4, 2014) – Wala pa rin impormasyon ukol sa dinukot na Chinese tourist at Pinay hotel worker sa isang resort sa Sabah, Malaysia.
Ito ang sinabi ni Senior Supt. Abraham Orbita, ang hepe ng pulisya sa lalawigan ng Sulu, matapos na lumutang sa ibat-ibang pahayagan na Abu Sayyaf ang nasa likod ng paglusob sa Singamata Adventures and Reef Resort sa bayan ng Semporna nitong gabi ng Abril 3.
“Wala pa tayong confirmation na Abu Sayyaf nga talaga ang Lumusob at dumukot sa mga biktima at hanggang walang umaako o walang makuhang intelligence about this eh nananatili tayong on alert dito,” ani Orbita.
Kung Abu Sayyaf ang tumira sa resort ay malamang na sa Tawi-Tawi unang magtatago ang mga ito, subalit kilalang kuta rin ng rebeldeng grupo ang kabundukan ng Sulu na katabi lamang ng lalawigan.
Abu Sayyaf
Hinala rin ng Malaysian authorities na posibleng may kinalaman ang Abu Sayyaf sa naturang raid na kung saan ay tinangay ng 5 armado si Gao Huayun, 29, na mula sa Shanghai, China. Bago tumakas ay hinila pa ng mga armado ang isang empleyadang Pinay na si Marcy Dayawan,40, ng naturang resort na hanggang ngayon ay hindi naman maibigay ng Department of Foreign Affairs ang anumang impormasyon ukol sa kanya.
Wala rin umako sa paglusob, ngunit tumakas umano ang mga armado tangay ang kanilang biktima sa isang speed boat. Patuloy rin ang imbestigasyon ng Malaysia sa naganap at sinabi ng mga awtoridad doon na tila alam na alam ng mga armado ang buong kapaligiran sa resort kung kaya’t may malaking hinala na posibleng may kasabwat na mga Sabahan ang armadong grupo.
Umani naman ng batikos mula sa mga Malaysian-Chinese ang Putrajaya o ang pamahalaan ng Sabah sa kabiguan nitong mapigilan ang naganap. Ilang ulit na rin isinabit ng Malaysia ang maraming kidnappings sa Sabah sa Abu Sayyaf.
Nanganganib naman ngayon ang mga Pinoy immigrants sa Semporna at maaaring maglunsad ng sona ang Malaysian authorities doon kaugnay sa pagdukot sa dalawang biktima.
Sultanate of Sulu and North Borneo
Ang Sabah ay inaako rin ng Sultanate of Sulu, ngunit ngayon ay bahagi na ng Malaysia na katabi lamang ng lalawigan ng Tawi-Tawi sa katimugan ng Sulu Archipelago.
Hindi naman agad mabatid kung may kinalaman sa naganap ang mga miyembro ng Royal Security Force ng Sultanate of Sulu sa ilalim ni General Panglima na unang nagbanta na maglulunsad ng kaguluhan sa Mindanao kung hindi tutugunan ni Pangulong Aquino ang pagbawi sa Sabah na iginigiit ng Sultante of Sulu na kanilang pagaari.
Dedma lamang ang Malakanyang sa panibagong banta no General Panglima. “Nananawagan kami sa pamahalaan na sana po gawin nila o hanapan na lang ng paraan ang isyu na ito at huwag naman nila ito isantabi. One year na kami sa giyera at naghihintay mula ng sumiklab ang gulo sa Sabah noon February 2013 at 2014 na ngayon ay wala pa rin action ang pamahalaan ukol dito sa Sabah claim,” ani General Panglima.
“Binalewala nila ang aming isyu (sa Sabah). Masakit man sa amin na pumanaw na ang mahal namin pinuno na si Sultan Jamalul Kiram III at hindi rin sila nakinig. Kung kaya’t gulo lang ang gusto nilang pag-usapan o pakinggan ng pamahalaan, kaya din namin gumawa ng malaking gulo o karahasan sa buong Mindanao kahit na minamaliit pa nila ang aming puwersa o grupo kaya nananawagan kami sa pamahalaan na tulungan kaming hanapan ng paraan ang isyu ma ito. Magtulungan at magkaisa tayo at laban na ito para sa buong Pilipino, Kristiyano at Muslim ay magkapatid at iisang dugo,” dagdag pa nito.
Naglabas ng pahayag ang grupo ni General Panglima matapos na malagdaan ng pamahalaang Aquino ang peace agreement sa Moro Islamic Liberation Front sa tulong na rin ng Malaysia.
Dedma
Sinabi baman ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte na ang Sabah ay hindi bahagi ng Bangsamoro entity sa ilalim ng nilagdaanng Comprehensive Agreement on the Bangsamoro. “I’m not quite sure if that’s representative of the sultanate as a group or as a whole,” wika ni Valte at nanawagan na lamang ito sa bawat isa na suportahan ang peace agreement. “We’ve always advocated peaceful means to settle any dispute, whether it’s local or international,” ani Valte.
Noon Pebrero 2013 ay ipinadala sa Sabah ni Sultan Jamalul Kiram III, ang tumatayong pinuno ng Sultanate of Sulu, ang halos 200 mga miyembro ng RSF na pinangunahan ng kanyang kapatid na si Raja Muda Agbimuddin Kiram upang panindigan ang karapatan nito sa isla, ngunit giyera naman ang ibinigay ng Malaysia matapos na tumanggi itong sumuko. Nasawi ang mahigit sa 60 mga tagasunod ni Sultan Jamalul at dinakip pa ang ,ahogit sa 300 mga Pilipino doon sa hinalang sumusuporta ito sa Sultanate.
Nakatakas naman si Raja Muda Agbimuddin sa Malaysian assault, ngunit nasawi naman sa matagal ng sakit si Sultan Jamalul noon nakaraang Oktubre. Ang Sabah o mas kilala noon sa tawag na North Borneo ay ibinigay ng Sultanate oif Brunei sa Sultanate of Sulu bilang gantimpala sa pagtulong nito noon na magapi ang rebelyon doon, subalit inako naman noon 1963 ng Malaysia ang isla. (Mindanao Examiner)