
MANILA (Mindanao Examiner / July 12, 2014) – Tinuligsa ng mga grupo sa karapatang pantao ang mabilis na pagdadala kay Atty. Gigi Reyes, dating chief of staff ni Sen. Juan Ponce Enrile, at dawit sa pork barrel scam, sa Philippine Heart Center matapos na diumano’y magreklamo ito ng paninikip ng dibdib.
Higit pa sa “special treatment” ang pagtrato ng gobyerno umano kay Reyes at sa mga sangkot sa pandarambong at korupsyon. “Sobrang pambababoy na ito. Todo alaga ang mga magnanakaw kay Pangulong Noynoy Aquino. Hindi lang ito special treatment, pagkanlong ito sa mga mandarambong.”
“Lahat ng akusado at bilanggo, may karapatan sa pagpapagamot at sa medikal na atensyon. Pero itong pagtrato nila kay Reyes, kahit kailan hindi ito ginawa ng gobyernong Aquino sa mga ordinaryong bilanggo, kasama ang mga bilanggong pulitikal. Hindi ordinaryong kriminal sina Reyes at mga sangkot sa pork barrel scam, mga nandambong ito sa kaban ng bayan. Ninakawan na ang mamamayan, sunod pa sila sa layaw,” pahayag ni Cristina Guevarra, pangkalahatang kalihim ng Hustisya, sa Mindanao Examiner.
Dagdag pa ni Guevarra, kung si Reyes 24 oras lang dinala na sa ospital, ang mga ordinaryong bilanggo gaya ng mga bilanggong pulitikal ay umaabot ng isang buwan o higit pa bago payagang makapagpatingin man lang. Kailangan pa nilang maghintay ng utos ng korte para magamot ang kanilang mga sakit.
“Nagagalit kami dahil ang mga karaniwang preso, gaya ng mga bilanggong pulitikal na ginigipit ng gobyerno, mamamatay na lang hindi pa dinadala sa ospital. Double standard ng hustisya ang ipinatutupad sa ating bayan,” sabi ni Guevarra.
Aniya, kitang-kita ang kaibahan ng pagtrato ng gobyernong Aquino kay Reyes kumpara sa mga bilanggong pulitikal kagaya nina Andrea Rosal na namatayan ng anak matapos ang mga kahirapang dinanas sa kulungan, at si Ramon Argente na ibinalik pa ng kulungan matapos i-bypass surgery at gayun rin si Miradel Torres na dinudugo na’t maselan ang pagbubuntis pero inaresto at diniretso sa bilangguan.
Ayon sa Hustisya, may humigit-kulang 50 na bilanggong pulitikal ang matatanda, maysakit at matagal nang nakakulong, na di nakaranas nang gayong pag-aasikaso sa gobyerno.
Sa tingin ng grupo, walang aasahang hustisya ang mamamayan kung pababayaan ang gobyerno sa pagtugis sa mga mandarambong.
“Hindi naman talaga nila tinutugis ang mga mandarambong. Binabaluktot ng gobyernong Aquino ang mga batas at patakaran, basta pabor sa kanilang mga kauri. Tingnan nyo kung paano ipinagtanggol ni Aquino si Sec. Florencio Abad. Tapos bigay-hilig kay Reyes at dinala sa ospital. Madilim ang hustisya para sa mamamayang ninakawan. Taumbayan ang tunay na magpapasya para papanagutin ang mga kriminal at magnanakaw,” wika ni Guevarra.
Ganito rin ang ibinigay ng pamahalaan kay Senador Juan Enrile at iba pang mga sabit sa plunder na sina Senador Bong Revilla at Senador Jinggoy Estrada na nasa police custodial center sa halib na sa bilanguan.