
MANILA – Huwag sanang matulad ang kaso ng ‘Fallen 44’ sa tinaguriang ‘Maguindanao Massacre’ at ayon kay Alab ng Mamamahayag Chairman Jerry Yap ay nakalulungkot isiping isa na namang trahedya ang naganap sa bansa gayong hindi pa nalulutas ang mga nauna dito.
Palala ni Yap, limang taon na ang kaso ng Maguindanao Massacre ngunit hanggang ngayon ay wala pa rin hustisya. Posible umanong matulad sito ang trahedyang sinapit ng Fallen 44 kahit sila pa ang elite force ng Philippine National Police (PNP).
“Kahit ano pa ang itawag nila sa Fallen 44, mis-encounter na kung mis-encounter, tao pa rin silang niyurakan ang karapatan at pinatay ng walang habag. Kailangang mabigyan sila ng hustisya sa lalong madaling panahon,” ani Yap.
Gayunman, nangangamba ang dating pangulo ng National Press Club na mababalewala ang pagkalagas ng buhay ng 44 na miyembro ng Special Action Force. “Dapat ay may gumulong na mga ulo,” giit pa ni Yap. “Parusahan ang dapat parusahan at panagutin ang mga may kinalaman sa mis-encounter, kung mis-encounter nga itong matatawag.”
Samantala, lumalakas ang panawagang bumuo ng Truth Commission para imbestigahan ang madugong engkwentro sa Mamasapano na ikinasawi ng 44 na pulis at ilang sibilyan.
“Dapat, may miyembro rin mula sa militar sa Truth Committee para mabalanse ang pananaw ng mga sibilyang tulad natin,” giit ni Yap. “At sana rin, Truth Commission nga at hindi Truth for Commission. Ang Truth, depende sa Commission, dahil malaki pondo sa intel and discretionary funds ng president na gagamitin sa pag-iimbestiga. Sana lang, hindi magamit ang malaking Commission para pagtakpan ang Truth.” (Nanet Villafania)
Like Us on Facebook: https://www.facebook.com/mindanaoexaminer
Follow Us on Twitter: https://twitter.com/MindanaoExamine
Read Our News on: http://www.mindanaoexaminer.com/ and https://mindanaoexaminer.com/
Share The News