
NORTH COTABATO (Mindanao Examiner / Aug. 11, 2013) – Walang humpay ang sagupaan sa central Mindanao sa pagitan ng militar at mga rebeldeng Moro na nakikibaka para sa kanilang kalayaan.
Apat na rebelde mula sa Bangsamoro Islamic Freedom Movement at dalawang sundalo ang nasawi sa matinding labanan nitong Sabado sa lalawigan ng North Cotabato, ayon kay Col. Dickson Hermoso, ang spokesman ng 6th Infantry Division sa rehiyon.
Sumiklab ang sagupaan sa bayan ng Aleosan na kung saan ay inatake ng mga rebelde ang mga sundalo sa Barangay Tubak at Pagangan.
“Our operations against the ATG continue to protect the civilians and communities from terrorism,” ani Hermoso sa Mindanao Examiner.
Ang ATG ay ang acronym ng Auxiliary Threat Group na nagpapatungkol sa grupong Bangsamoro Islamic Freedom Movement at ang mga freedom fighters nito.
Ayon naman sa Mindanao Human Rights Action Center ay maraming nagsilikas na mga sibilyan at karamihan sa mga ito ay tumakas sa takot na madamay sa kaguluhan.
Nagsumbong rin ang mga barangay officials sa naturang human rights center na ilan mga cannon shells ang sumabog sa residential areas sa Barangay Lagunde sa bayan naman ng Pikit, ngunit wala naman inulat na casualties doon.
Naunang isinabit ng militar ang mga rebelde sa pambobomba ng isang truck ng militar sa bayan ng Shariff Saydona Mustapha sa Maguindanao na ikinasugat ng 7 sundalo mula sa 2nd Mechanized Infantry Battalion.
Karamihan naman sa mga rebelde ay dating miyembro ng Moro Islamic Liberation Front na ngayon ay may peace talks sa pamahalaang Aquino. (Mark Navales)