
MANILA (Mindanao Examiner / Mar. 13, 2013) – Umalma ang media group na Alab ng Mamamahayag (ALAM) matapos na magbanta ang Malaysia na kakasuhan ang mga Filipino news organizations dahil sa kanilang mga ulat sa nangyayari sa mga tauhan ni Sulu Sultan Jamalul Kiram III sa Sabah.
Ayon kay ALAM Chairman Jerry Yap, hindi mga tanga ang media na ipinadala sa Sabah at kung tutuusin ay pinili sila ng kanilang kumpanya dahil mahuhusay sila.
Hindi umano mag-uulat ng mali ang nasabing mga media men dahil alam nila ang kanilang trabaho. Sinabi rin ni Yap na walang basehan ang babala si Malaysian Defense Minister Zahid Hamidi na makasisira sa relasyon ng Pilipinas at Malaysia dahil may pruweba ang mga Filipino media sa kanilang report.
Kung mayroon umanong dapat managot ay ang Malaysian authorities dahil hindi makatao ang ginagawa nilang pagtrato sa mga Filipino.
Dapat umano silang idulog sa United Nations upang masiyasat kung may ginawa silang paglabag sa karapatang pantao.
Matatandaang ibinalita ng Filipino media sa Sabah na minamaltrato ng ng Malaysian security forces ang mga Filipino-Muslims sa nasabing lugar. Dahil dito, naalarma ang Malacañang at inatasan ang Department of Foreign Affairs (DFA) na isasailalim ito sa masusing validation upang malaman ang totoong nangyayari.
Binanggit naman ni Yap na posibleng mas malala pa sa report ng Filipino media ang nangyayari dahil matagal bago sila pinayagang makapag-cover sa Sabah.
Sinabi pa ni Yap na hindi paninira ang paghahayag ng katotohanan kaya walang nilalabag na batas ang Filipino media men.
Ipinaalala pa niyang ang sinumpaang tungkulin ng isang mamamahayag ay ang ilantad ang katotohanan na walang kinikilingan o kinakampihan.
“Kaya nga iba ang reporter at iba ang writer,” ani Yap. “Ang reporter, nagre-report na walang kasamang emosyon at batay lamang sa impormasyong nakalap. Ang writer, pwedeng mag-imbento. Ang mga ipinadalang reporter sa Sabah ay hindi mga pipitsuging nagsisimula pa lamang magsulat kundi mga batikan na sa kanilang trabaho. Tingin nyo, itataya nila ang kanilang pangalan at ang pangalan ng inire-represent nilang media outfit? At lahat sila mali?” pagdidiin pa ni Yap. (Nanet Villafania)