
ZAMBOANGA CITY (Mindanao Examiner / Sept. 13, 2012) – Dumating sa Zamboanga City si San Juan City Congressman JV Estrada upang paunlakan ang imbitasyon ng Philippine Councilors League na ngayon ay may malaking pagtitipon dito.
Humarap rin si Estrada sa media at inisa-isa nito ang kanyang programa na sinimulan mula ng ito ay naging mayor sa San Juan City nuong 2001 hanggang 2010.
Si Estrada, na kapatid sa ama ni Senador Jingoy Estrada, ay tatakbo sa pagka-senador sa partido ni Vice President Jejomar Binay – ang United Nationalist Alliance.
Nais umano nitong suklian ang suportang ipinamalas ng mga taga-Mindanao sa kanyang amang si dating President Joseph Estrada kung kaya’t nais na maging senador at upang maisulong ang mga magagandang halimbawa na nasimulan ng ama.
Palaging wagi ang ama nito sa mga nakaraang halalan sa Zamboanga City, ngunit sinabi naman ng mambabatas na hindi ito makikialam sa lokal na pulitika.
“Nagpapasalamat po kami sa mga suporta ninyong lahat sa aking ama at sa aming lahat,” ani pa ni Estrada sa panayam ng Mindanao Examiner.