
ZAMBOANGA CITY (Mindanao Examiner / Apr. 1, 2014) – Isang sanggol ang itinapon ng sarili nitong ina sa takot na mabatid ng kanyang mga magulang ang pagbubuntis nito sa Zamboanga City.
Sinabi ng pulisya na masuwerte na lamang umano at nailigtas ang sanggol ng tricycle driver na inarkila ni Janine Marie Quinquito, 19, upang itapon ang kaawa-awang anak. Naghinala umano ang driver ng bumalik si Janine na nagiisa na lamang matapos na pumasok sa bakanteng lote sa Barangay Canelar.
Ayon sa pulisya, pagkahatid ng driver sa babae sa kanyang boarding house ay binalikan nito ng bakanteng lote dahil sa matinding hinala nito na itinapon ng kanyang pasahero ang sanggol. At ng pasukin nito ang lugar ay doon ay tumambad sa kanya ang sanggol at agad itong kinuha at dinala sa Barangay Hall at inulat ang naganap.
Nadala naman agad sa pagamutan ang sanggol at natunton rin ng pulisya ang ina nito at isinugod rin sa ospital dahil sa pagdurugo at mataas na lagnat. Sa imbestigasyon ng pulisya ay nabatid na sa boarding house pala ipinanganak ni Janine ang sanggol at inilihim ang pagbubuntis at pagsilang dahil sa takot nito sa kanyang mga magulang.
Hindi naman mabatid kung sino ang ama ng sanggol. (Mindanao Examiner)