
GENERAL SANTOS CITY (Mindanao Examiner / Aug. 5, 2014) – Isang pre-mature baby na inakalang patay na ng kanyang mga magulang ang muli umanong nabuhay ilang oras bago ito isalang sa embalsamo sa General Santos City sa Mindanao.
Ayon sa mga ulat, hinihintay na lamang ng mga magulang ng sanggol ang pageembalsamo nitong August 3 sa bata ng ito’y biglang umiyak sa loob ng morgue.Mabuti na lamang umano at narinig ng isang pulis na si PO3 Jepson Corsit ang pag-iyak ng sanggol at agad itong ipinaalam sa ina ng bata na si Cathy Arcala, 24, na hindi makapaniwala sa narinig na balita.
Agad naman dinala sa pagamutan ang sanggol, na dalawang lingo pa lamang ang edad, upang matignan ang sitwasyon nito at hanggang sa kasalukuyan ay ginagamot pa rin.
Nabatid na dinala ng mga magulang ang sanggol sa morgue noon hapon ng August 2 dahil sa wala na umano itong pintig sa kanyang puso at sa pagaakalang patay na. Unang dinala sa pagamutan ang bata noong July 20 dahil sa matinding panghihina ng katawan at ito’y inilagay sa incubator, ngunit iniuwi naman ito ng mga magulang dahil sa laki ng gastos sa ospital.
Walang deklarasyon ang pagamutan na patay ang bata, maliban lamang sa desisyon umano ng ina na ito’y dalhin sa morgue sa akalang nasawi ang anak sa kanilang bahay.
Hindi pa matiyak kung sasampahan ba ng kaso ng pulisya ang mga magulang dahil sa kanilang desisyon na alisin ang bata sa pagamutan at sa huli’y ipasok sa morgue sa pagsasabing patay na ito.
Noong nakaraang buwan ay kumalat rin sa Facebook, ang video clip ng isang namatay na 3-anyos na bata na diumano’y muling nabuhay sa loob ng simbahan habang inihahanda ang paglibing nito sa bayan ng Aurora sa Zamboanga del Sur.
Naganap umano ito noong July 12 at sa 48 segundong video na inilagay sa Facebook account na “Pinoy Estilo” ay makikita ang bata na binabalutan ng kanyang ama ng lampin matapos na ito’y dumilat sa kanyang maliit na ataul na nakapatong lamang sa apat na silyang plastic.Pinagkaguluhan ng mga taong sasama sana sa paglilibing sa bata ang naturang eksena sa simbahan.
Sa huli ay nabatid na opisyal na idineklarang patay ang bata matapos ng isang pagsusuri ni Municipal Health Officer Dr. Mary Silyne Cabahug, na gumamit pa ng cardio monitor at wala itong nakitang vital life signs at inabisuhan ang mga magulang ng bata na ilibing na agad ang bangkay.
Umani naman ng ibat-ibang reaksyon mula sa mga netizens na nakapanood sa video at marami sa mga ito ay agad naman tinawag na milagro ng Diyos ang naganap.
Nitong Pebrero lamang ay isang 2-anyos na bata rin na si Jelyn Bejec mula sa bayan ng Maramag sa Bukidnon province ang muling nabuhay ilang oras bago ito ilibing, ngunit namatay rin matapos na matulog at hindi na magising ilang minuto ng manumbalik ang tibok ng puso nito. Namatay umano ito dahil sa kombulsyon sanhi ng sobrang taas ng lagnat. (May ulat ni J. Magtanggol)