
ZAMBOANGA CITY (Mindanao Examiner / July 29, 2012) – Nanindigan ang militar na pawing mga miyembro ng teroristang grupo Abu Sayyaf ang nakasagupa ng mga tropa sa bayan ng Sumisip sa Basilan province.
Ito ay matapos na igiit ni acting Muslim autonomous regional governor Mujiv Hataman na away sa lupain ang dahilan ng pagatake ng mga armado sa mga rubber farm workers sa lalawigan.
Ito rin ang sinabi umano ng Katolikong Simbahan sa Basilan. Ngunit lahat ng mga ito ay ngayon lamang inilabas ni Hataman at ng Simbahan, samantalang halos isang taon na ang ginagawang atake ng Abu Sayyaf sa rubber plantation cooperative na kung saan ay humihingi ang mga terorista ng salapi kapalit ng tigil-atake.
Sinabi ni Lt. Col. Randolph Cabangbang, ang spokesman ng Western Mindanao Command, na extortion ang motibo sa mga atake ng Abu Sayyaf sa Tumahubong Agrarian Reform Beneficiaries Development Coop. Inc.
“Extortion talaga ang motibo ng mga atake at pawang mga Abu Sayyaf talaga ang nasa likod niyan. Marami na nga silang napatay na mga inosenteng rubber farm workers,” ani Cabangbang sa panayam ng Mindanao Examiner.
Nakilala rin ang mga napatay na Abu Sayyaf sa Sumisip na pawing mga kilabot na miyembro ng Abu Sayyaf at ang ilan sa kanila ay nasa Moro Islamic Liberation Front rin.
Mahigit sa isang dosenang sundalo ang napatay sa labanan nuong Huwebes sa bayan ng Simisip, at maraming mga terorista rin ang nasawi sa sagupaan. (Mindanao Examiner)