
ZAMBOANGA CITY (Mindanao Examiner / Feb. 9, 2012) – Iginiit ngayon ng Western Mindanao Command na walang natira sa binomba nitong kampo ng Abu Sayyaf at Jemaan Islamiya sa kabundukan ng Sulu at siguradong tinangay ng mga terorista ang bangkay ng ilan sa mga nasawing lider ng dalawang teroristang grupo.
“Positibo kaming walang natira sa target dahil verified na ito at mayroon kaming mga report sa naging operations ng Western Mindanao Command sa Sulu,” ani Lt. Col. Randolph Cabangbang, ang regional spokesman ng militar, sa panayam ng Mindanao Examiner.
Hinimok nito ang ibang mga Abu Sayyaf na ilabas na lamang ang bangkay ng mga nasawing lider. Kabilang sa mga namatay sa pambobomba ng dalawang eroplano ng Philippine Air Force ay sina Abu Sayyaf leader Umbra Jumdail at Jemaah Islamiya bomb experts Zulkifli bin Hir alias Marwan, na isang Malaysian; at Abdullah Ali, alias Muawiyah, na isang Indian naman.
Apat na bomba ang inilaglag ng mga eroplano sa naturang kampo sa bayan ng Parang nuong madaling araw ng Pebrero 2 habang natutulog ang mga terorista. Ito’y base na rin sa kumpirmasyon ng ilang mga impormante ng militar.
Handa na rin ang Malaysia na magsagawa ng DNA test sa mga pira-pirasong laman ng tao sa nasabing kampo upang masigurong patay na nga sina Marwan. May ulat rin na dalawa pang Malaysians – sina Jeknal Adil at Amin Bacho – ang napaslang sa lugar.
Miyembro ang dalawa ng Darul Islam Sabah na kaalyado ng Jemaah Islamiya at Abu Sayyaf.
Sinabi naman ni Commissioner Datuk Mohamad Fuzi Harun, ang Counter Terrorism Director ng Malaysia, na handa na sila sa naturang DNA testing at pahintulot na lamang ng Pinas ang hinihintay.
“We have all the samples ready. We are just awaiting the green light from the Philippine authorities before sending over the samples. From our discussions with the Philippine authorities, they seem to be very certain that they got the three, but let us not speculate. DNA tests will be conducted to verify their identities,” wika pa nito. (Mindanao Examiner)