
ZAMBOANGA CITY (Al Jacinto / Aug. 11, 2013) – Isang rebeldeng Abu Sayyaf ang sumuko sa militar matapos ng isang negosasyon sa Zamboanga City sa western Mindanao.
Kinilala kahapon ng 1st Infantry Division ang rebelde na si Abdurahin Nasalon at ika-anim umano sa watch list ng militar sa western Mindanao. Sumuko si Nasalon sa anti-terrorist Task Force Zamboanga sa Barangay Curuan.
Nabatid na tumulong ang pamilya na Nasalon na sumuko ito. Sa Zamboanga umano naka-base si Nasalon at ang matinding takot sa operasyon ng militar at pulisya ang nagtulak dito na sumuko na lamang, ayon kay Capt. Jefferson Somera, ang spokesman ng 1st Infantry Division.
Sinabi ni Somera na sumuko si Nasalon kay Capt. Jerry Doldol ng Task Force Zamboanga.
“The surrender of Nasalon was largely credited on the continued military and police operations. The presence of security forces also pressured Nasalon to surrender peacefully,” ani Somera sa Abante.
Hindi naman nagbigay ng karagdagang detalye si Somera ukol sa negosasyon o background ni Nasalon at sinabing patuloy pa ang interogasyon ng Task Force Zamboanga sa ilalim ni Col. Andrelino Colina.
“Hindi pa tapos ang interogasyon at inaalam pa natin ang mga kinasasangkutan nitong si Nasalon,” ani Somera.
Inamin naman ni Somera na malaki ang naging papel ng patuloy na operasyon ng militar at pulisya kontra Abu Sayyaf sa pagsuko ni Nasalon. “Nasalon admitted to interrogators that he was scared of the continued operations of the military and police and so he decided to surrender peacefully,” wika pa ni Somera.
Aktibo ang Abu Sayyaf sa Zamboanga at gayun rin sa lalawigan ng Sulu at Basilan, na bahagi naman ng Muslim autonomous region sa Mindanao. (Mindanao Examiner)