
ZAMBOANGA CITY (Mindanao Examiner / Jan. 25, 2013) – Nadakip ng pulisya ang isang umanong Abu Sayyaf sub-leader matapos na matunton ng mga alagad ng batas ang taguan nito sa Basilan province na bahagi ng Autonomous Region in Muslim Mindanao.
Ayon sa ulat ng pulisya ay nasakote si Muin Hamja sa isang Bahay sa Barangay Kumalarang sa Isabela City, ngunit hindi naman sinabi ng mga awtoridad kung mayroon nakuhang armas mula sa rebelde na sabit diumano sa ibat-ibang kaso ng kidnapping.
May P600,000 bounty umano si Hamja sa kanyang ulo, subali’t tikom naman ang bibig ng mga opisyal kung paanong Natunton ang suspek sa kanyang taguan.
Walang detalyeng ibinigay ang pulisya ukol kay Hamja, ngunit talamak ang hulihan ng mga Muslim sa Basilan at iba pang bahagi ng Mindanao sa hinalang miyembro sila ng Abu Sayyaf.
Kamakailan lamang ay isang Muslim preacher na nakilalang si Ustadz Bashier Mursalun ang dinukot sa Zamboanga City matapos itong makipagbarilan sa mga armado na sakay ng isang van.
May tama umano si Mursalun ngunit hindi naman mabatid kung sino ang nakasagupa nito, ngunit ayon sa mga kasamahan nito ay mga awtoridad ang tumira sa Muslim.
Sinabi naman ng pulisya na iniimbestigahan nila ang diumano’y pagkakadawit ni Mursalun sa mga kidnappings sa Zamboanga City, isang alegasyon na itinanggi ng mga ibat-ibang grupong Muslim. (Mindanao Examiner)