
DIPOLOG CITY (Mindanao Examiner / May 22, 2014) – Nadakip ngayon Huwebes ng militar ang isang miyembro diumano ng Abu Sayyaf matapos itong makipagbarilan sa mga sundalo sa bayan ng Siocon sa Zamboanga del Norte province.
Nasakote ng militar ang teroristang si Najil Ajijul, na gumagamit ng ibat-ibang alias, sa Barangay Tabayo na kung saan siya nasukol habang nagpipilit na tumakas. Nabawi sa kanya ang isang .45-caliber pistol.
Natiktikan ng militar si Najil matapos na mahuli kamakailan ang isang Abu Sayyaf bomber na si Nujir Ahidji sa Southcom Village sa labas lamang ng kampo ng Western Mindanao Command sa Zamboanga City.
Ang Western Mindanao Command ay isa sa nga kampo na kung saan ay may mga pasilidad ang US military sa ilalim ng Joint Special Operations Task Force-Philippines sa Mindanao na siyang tumutulong sa paglaban sa terorismo.
Noon nakaraang linggo lamang ay nadakip rin sa Zamboanga ang isa pang Abu Sayyaf na nagta-trabaho bilang security guard sa isang tindahan sa labas lamang ng central police station. At noong nakaraang buwan ay napatay rin ang dalawang terorista at nadakip ang 6 iba pa matapos na lusubin ng pulisya ang hideout nila sa Barangay Santa Maria sa Zamboanga City rin. (Mindanao Examiner)