
PAGADIAN CITY (Mindanao Examiner / Dec. 1, 2012) – Nakatutok pa rin ang mga residente ng Pagadian City sa pagkakasangkot ng kanilang alkaldeng si Samuel Co sa investment trading scam doon matapos itong kasuhan sa korte kasama ang asawa at iba pa.
Idiniin ng ilang mga reklamante si Co at may-bahay na si Priscilla kaugnay sa scam ng Aman Futures na nagsimula nitong Pebrero. Ilang ulit naman itinanggi ni Co na may kinalaman ito sa Aman Futures na pagaari ni Malaysian national Manuel Amalilio at ipinag-giitan na biktima rin siya ng scam.
Ngunit kalat naman sa Facebook ang mga larawan nito na kasama si Amalilio.
“Maraming galit kay Mayor dahil siya talaga ang sinisisi ng mga tagarito. Siya rin ang namigay ng mga tseke ng Aman ng biglang mawala na itong si Amalilio at si Fernando Luna sa Pagadian,” ani pa ni Richard, isa sa mga naging biktima ng scam.
Si Luna ang kanang-kamay ni Amalilion sa Pagadian.
Malaki umano ang magiging impact ng scam sa political career ni Co na ipinagpipiltan na ang kalaban niya sa pulitika na si Zamboanga del Sur Gov. Antonio Cerilles at Congressman Victor Yu ang nasa likod ng mga bintang sa kanya.
Nanawagan naman ang ibang naging biktima ng scam sa Department of Justice at Department of Interior and Local Government na suspindihin na agad si Co upang hindi na makapag-impluwensya sa anumang imbestigasyon ng isinasagawa ng Department of Justice at ng National Bureau of Investigation.
Hindi naman agad makunan ng pahayag ang DOJ at DILG ukol sa posibleng sanction o paglalabas ng warrant of arrest kay Co na kilalang ka-alayado ni Pangulong Benigno Aquino.
Marami sa mga naging biktima ng scam ay hindi pa rin nakabangon sa kanilang dinanas at tinatayang magigit sa P12 bilyon ang natangay ng Aman sa mga nalokong investors. (Mindanao Examiner)