
DAVAO CITY (Mindanao Examine / Oct. 14, 2013) – Nakilahok ang militar sa pamahalaan sa paglulunsdad ng “scuba-surero at mangrove tree planting” sa Island City Garden of Samal sa Davao del Norte province sa Mindanao.
Sinabi ni Captain Alberto Caber, ang information chief ng Eastern Mindanao Command, na nagtulong-tulong ang ibat-ibang sektor sa nasabing kaganapan na binansagang “Kilos Progreso, Makilahok sa Pag-Asenso.”
Bukod sa paglilinis sa karagatan ay nagtanim rin ang mga nakilahok ng mga bakawan upang lalong mapalawak ang mangrove area sa Sanipaan Shoal.
Ang mangrove ang nagsisilbing tirahan ng mga isda at iba pang mga uri ng mga hayup kung kaya’t ang pagpapalaganap nito ang tinututukan ng pamahalaan.
“Tayo rin ang makikinabang ng lahat ng ito kung kaya’t dapat natin pagtuunan ng pansin ang kalikasan at sa tagumpay ng scuba-surero at mangrove tree planting ay natitiyak natin na protektado ang ating kapaligiran,” ani Caber sa Mindanao Examiner.