
ZAMBOANGA CITY (Mindanao Examiner / Dec. 25, 2013) – Tahimik ang Kapaskuhan sa Zamboanga City at iba pang bahagi ng Western Mindanao at kapuna-puna ang matipid na selebrasyon nito sa ibat-ibang lugar sa rehiyon.
Tulad ng Davao City, ipinagbawal na rin sa Zamboanga ang paputok matapos na ilabas ni Mayor Maria Isabelle Salazar ang isang executive order ukol sa ban sa lahat ng uri ng firecrackers dahil na rin sa trauma ng marami sa nakaraang pag-atake ng mga rebeldeng Moro National Liberation Front noon Setyembre.
Mahigit sa 400 katao ang nasawi at sugatan sa naturang labanan na nagtagal ng tatlong lingo at ang Kapaskuhan sa mga apektado nito ay tila isang bangungot dahil libo-libong pamilya pa rin ang nasa mga evacuation sites dito.
Marami rin mga ahensya at tanggapan ng pamahalaan ang hindi na nag-party dahil sa sitwasyon ng mga refugees at sa trahedyang dumaan sa lalawigan ng Leyte na sinalanta ng bagyong Haiyan.
Maging si Salazar ay hindi na rin nagbigay ng party sa media tulad ng mga nakaraang taon bilang pakikisimpatya sa pagdurusa ng mga refugees dito na karamihan ay mga Muslim at taga-Leyte.
Ngunit nagbigay naman ng marangyang Christmas party sa media sa Zamboanga City si Gov. Mujiv Hataman ng Autonomous Region in Muslim Mindanao at nagpa-raffle pa ito ng isang brand new iPhone at namigay ng tig-P5,000 sa bawat reporter na dumalo sa kasiyahan sa La Casa Maria.
Mahigit sa 50 umano ang inanyayahang reporters ni Hataman sa Zamboanga at bukod pa rito ang party sa media sa Cotabato.
Maging ang Western Mindanao Police Regional Office sa ilalim ni Chief Superintendent Juanito Vaño Jr, ay nagbigay rin ng party sa piling media dito.
Nasa mataas na alerto pa rin ang pulisya at militar sa Zamboang at ibang bahagi ng rehiyon bilang kahandaan sa anumang balakin ng mga rebelde. (Mindanao Examiner)