ISANG SEMINAR sa kamalayan patungkol sa human immunodeficiency viruses (HIV) at acquired immunodeficiency syndrome (AIDS) ang inorganisa sa bayang ito ng Department of Health – Romblon (DOH-Romblon), Provincial Health Office (PHO), Romblon State University (RSU), at ng RSU Bayangaw bilang pakikiisa nila sa World AIDS Day celebration noong Disyembre 1.
Dinaluhan ito ng mahigit 150 na estudyante ng RSU Main Campus, mga kawani ng DOH at PHO, BJMP, at mga bisita mula sa pribadong sektor sa Odiongan.
Layunin ng seminar na mabuksan ang kamalayan ng mga estudyante patungkol sa sakit na HIV at AIDS lalo na kung paano ito maiiwasan.
Ayon kay Jhay Ar Del Rosario, isang HIV advocate, ang sakit na HIV ay naililipat lamang umano sa pamamagitan ng pagtatalik o di kaya ay kapag may nangyaring blood transfusion kaya ang pinakamabisa pa ring paraan para maiwasan ito ay ang pakikipagtalik lamang sa kanilang partner, o pagiging tapat sa asawa.
Hinikayat din ni Del Rosario ang mga dumalong estudyante na maging advocate rin sila sa pagtulong para matigil na ang stigma at diskriminasyon sa mga PLHIV o People Living with HIV dahil sila ay mga tao rin at hindi naiiba.
Matapos ang seminar, aabot sa 50 na estudyante ang kusang loob na nagpakuha ng dugo para isalang sa HIV Testing.
Naglagay din ng handmark ang mga dumalo sa isang pledge of commitment na nagsilbing patunay na kaisa sila sa pagtulong para mabawasan o di kaya ay maitigil na ang stigma at diskriminasyon sa mga PLHIV. (By Paul Jaysent Fos)