
ILIGAN CITY (Mindanao Examiner / Feb. 28, 2012) – Isang “Sendong” survivor na naman ang nagpatiwakal dahil sa matinding depression at away sa kanyang live-in partner sa evacuation center sa Cagayan de Oro City na isa sa mga sinalanta ng naturang bagyo.
Nakilala ang biktima na si Mary Joy Bustamante, 22, na natagpuan nakabigti sa kanilang tent sa evacuation center ng Mt. Carmel Church. Nabatid pa na nag-away ito at ng kanyang kinakasama na si Gilberto Salig, 29, dahil sa matinding paghihirap na dinaranas.
Ang mag-asawa ay kabilang sa libo-libong biktima ng bagyong “Sendong” na kumitil ng maraming buhay sa Cagayan de Oro at Iligan City nuong nakaraang Disyembre.
Sinabi naman ni Gilbert na nagkaroon sila ng pagtatalo ng babae at hindi nito akalaing wawakasan n Mary Joy ang kanyang buhay. Halos magiba umano ang mundo ni Gilbert ng makita nito ang kanyang asawa na naka-bigti na at sinubukan pa nitong mailigtas ang babae ngunit wala na rin nagawa.
Ayon naman sa pulisya ay magsasawa sila ng awtopsiya sa bangkay ng babae upang masigurong walang foul play sa pagkamatay nito.
Kamakailan lamang ay nagpakamatay rin ang isa pang biktima ng bagyo na si Jesus Noel Bienvenida, 44, sa Calaanan Resettlement Area sa Cagayan de Oro. Depression rin ang itinuturong dahilan sa pagpapatiwakal ni Jesus at dalawang anak ang naulila nito sa dating kasama sa buhay. (Mindanao Examiner)