KIDAPAWAN CITY – Daan-daang mga residente ng Barangay Balete sa bayan ng Magpet sa lalawigan ng North Cotabato ang nakinabang sa libreng serbisyo mula sa ibat-ibang mga national at provincial government agencies.
Ang serbisyo caravan na inilunsad kamakailan lamang ay bahagi ng binansagang “Whole of Nation Approach to End Local Communist Armed Conflict” ng pamahalaang Duterte at suportado ng provincial government.
Namahagi rin ng food packs ang Department of Social Welfare and Development at ang Provincial Social Welfare and Development Office, at may mga libreng gupit rin at skills training mula sa Technical Education and Skills Development Authority.
Nagkaroon rin ng pagkakataon ang maraming residente na makahanap ng trabaho sa pamamagitan ng job fair na inilunsad ng Department of Labor and Employment. Namigay rin ng mga farm inputs sa mga magsasaka ang Department of Agriculture katuwang ang Office of the Provincial Agriculture.
Nagkaroon rin ng proseso ng mga birth certificate ang Philippine Statistics Office, samantalang nagsagawa naman ng libreng medical at dental mission ang Integrated Provincial Health Office at namahagi pa ng mga libreng gamot sa mga residente. Bukod pa ito sa education campaign sa mga buntis at anti-polio vaccination sa mga sanggol. Maging ang lokal na pulisya ay nag-proseso rin ng mga clearance sa mga nangangailangan nito.
Kabilang din sa mga ahensyang nagbigay ng serbisyo ay ang National Housing Authority, Department of Agrarian Reform, Land Transportation Office, Department of Education at iba pang mga ahensya.
Ayon naman kay Acting Gov. Emmylou Taliño Mendoza, bago pa man ang serbisyo caravan ay una na rin nagdala ng serbisyo ang provincial government sa nasabing lugar at kabilang dito ang pagpapatayo ng karagdagan 3 classroom at ang pagaayos ng mga kalsada doon.
Sinabi pa ni Mendoza na nasa lugar na rin ang mga heavy equipment ng provincial government upang masimulan na ang konstruksyon ng farm-to-market road sa isang sitio ng Barangay Balete na nagkakahalaga ng P10 milyon.
Malaki naman ang pasasalamat ni Barangay Chairman Edgar Hantoc kay Mendoza at sa serbisyo caravan at malaki umano ang naging impact nito sa publiko. Nabigyan naman ng pamahalaan ng cash assistance ang isang mataas na lider ng New People’s Army na sumuko sa 72nd Infantry Battalion. Maging si Magpet Mayor Florenito Gonzaga ay nagbigay rin ng dagdag na P50,000.
Ibat-ibang mga barangay rin sa North Cotabato ang makikinabang sa serbisyo caravan ng national at provincial governments. Todo naman ang pasasalamat ng mga residente sa naturang serbisyo caravan at sa mga opisyal na nasa likod nito. (Mark Anthony Tayco at Rhoderick Beñez)
Like Us on Facebook: The Mindanao Examiner
Like Us on Facebook: The Zamboanga Post
Follow Us on Twitter: Mindanao Examine
Read And Share Our News: Mindanao Examiner Website
Mirror Site: Mindanao Examiner Blog
Digital Archives: Mindanao Examiner Digital
Media Rates: Advertising Rates