
MAGUINDANAO (Mindanao Examiner / June 1, 2014) – Daan-daang katao ang nagtulong-tulong sa isang community clean-up program sa bayan ng Shariff Aguak sa lalawigan ng Maguindanao na kung saan ay isang medical mission rin ang inilunsad ng pamahalaang lokal at ng militar katuwang ang Moro Islamic Liberation Front.
Mismong si Shariff Aguak Mayor Zahara Upam Ampatuan ang nanguna sa naturang proyekto katuwang ang mga empleyado ng pamahalaan, at ang mga residente sa nasabing bayan. Ang clean-up drive at medical and dental civic action program ay inulunsad bilang bahagi naman ng selebrasyon ng ika-apat na anibersaryo ng 1st Mechanized Brigade sa ilalim ng pamumuno ni Col. Gener del Rosario na naka-base sa bayan.
Sa municipal gym naman isinagawa ang medical mission at suportado rin ito ng Department of Education at Bureau of Fire Protection.
Nakibahagi rin ang MILF at ang lokal na pulisya at iba pang sektor sa naturang pagdiriwang bilang suporta sa komunidad at pakikiisa sa naturang proyekto. Natuwa naman ang mga residente sa nasabing proyekto at sa nakitang nilang pagkakaisa ng lahat sa bayan ng Shariff Aguak.
Kilalang peace advocate si Mayor Zahara at ilang beses na rin itong naglunsad ng kanduli o thanksgiving na dinaluhan ng MILF, pulisya at militar na nagsilbing palatandaan ng kanilang hangarin na magkaroon ng katahimikan hindi lamang sa Shariff Aguak o ibang bayan ng Maguindanao, kundi sa buong Mindanao at bansa.
“Tuloy-tuloy naman yun ating mga peace and development projects dito sa Shariff Aguak at suportado rin ng mga mamamayan at ibat-ibang mga sektor ang ating isinusulong dahil lahat naman tayo ay kapayapaan ang hangarin. Nagpapasalamat rin tayo sa lahat ng mga sektor, sa militar, sa pulisya at sa MILF at napakaganda ng ating samahan dito,” ani Mayor Zahara sa panayam ng Mindanao Examiner.
Pati ang Provincial Health Team at mga barangay officials at ang Kabalikat Civicom ay pinasalamatan rin ni Mayor Zahara.
“Sa walang sawa ninyong tulong at suporta sa bayan ng Shariff Aguak. Sana ipagpatuloy pa natin ang ating partnership para sa magandang bukas ng mamamayan ng Shariff Aguak at sa iba pang bayan ng Maguindanao. Mula sa aking puso at sa kawani ng buong mamamayan ng Shariff Aguak, maraming, maraming salamat po sa inyong lahat,” dagdag pa nito.
Maging si Col. Gener ay ito rin ang tugon at ipinangako pa nito na suportado ng militar ang kapayapaan sa Mindanao. (Mark Navales)